Powered by Blogger.

Thursday, August 11, 2005

Debotong Sarado



Kilala tayong mga Katolikong Pilipino bilang mga deboto ng Mahal na Birhen. Sa ating pagkabata, si “Mama Mary” ang isa sa mga unang santo na ating nakilala. Kapag Mayo naka-postura tayo para mag-alay sa kanya ng bulaklak. Tuwing Miyerkules, nakikipagsiksikan tayo sa simbahan para sa Perpetual Help Novena. Sa ating mga tahanan, hindi mawawala ang isang altar na may imahen niya.


Isang katangian ng Mahal na Ina ay ang pagiging mapagmalasakit. Nang mabalitaan niyang nagdadalang-tao ang kanyang pinsang si Elisabet, hindi niya ininda ang sarili niyang kalagayan – buntis din siya noon – kundi pumaroon siya sa kanyang pinsan para tulungan siya. Maaalalang may-edad na si Elisabet nang ipaglihi niya si Juan Bautista.


Matutunghayan din natin ang ganitong kagandahang-asal sa kasalan sa Kana. Nang naubusan ng alak ang may-handa, dumulog si Maria sa kanyang anak. Bagamat hindi pa niya oras magmilagro, sumunod si Kristo sa paki-usap ng kanyang inang marunong maki-simpatya sa kapwa.


Kamakailan, bumulaga sa mundo ang balitang di wastong pangangalaga ng ating bansa sa mga kabataang nagkasala. Nakapiit ang mga young offenders sa mga siksikan at mababahong kulungan gaya ng Bilibid kung saan matatagpuan ang mga nakatatandang nakagawa ng mas mabibigat na krimen. Sang-ayon sa ilang batang nakalaya, dumanas sila ng pang-aabuso sa mga kapwa-preso o kaya’y kumain ng kaning-baboy. Ito ay tahasang paglabag sa UN Convention on the Rights of the Child na inilunsad noong 1989 – kabilang ang Pilipinas isa sa mga nakilahok at lumagda dito.


Taliwas sa ugali ni Maria ang nagaganap sa bansang naturingang Kristiyano at kumikilala sa kabataan bilang kanyang pag-asa. Hindi naman marahil kalabisan para sa gobyerno na magpagawa ng mga sentrong nauukol sa mga young offenders kung saan mahuhubog sila bilang mabubuting mamamayan. Matagal nang problema ito, subalit sa kawalan ng pagmamalasakit ng mga nanunungkulan sumabog na sa international community ang ganitong isyu. Isang suliranin na maaaring malutas kahit hindi baguhin ang Saligang-Batas.


KKK –Kanya-Kanyang Kabig - ang umiiral sa ating lipunan. Gusto ng tiwaling kawani ng gobyerno na magkamal ng salapi. Gusto ng pulitiko na siya lang ang maging sikat sa madla. Gusto ng tsuper na masapawan niya sa kalsada ang kapwa tsuper. Gusto ng anak na masunod ang kanyang layaw.


Sa nalalapit na selebrasyon ng Pag-akyat sa langit sa Mahal na Birhen sa ika-15 ng Agosto, napapanahong suriin nating maigi ang ating debosyon kay Maria. Masasabi ba nating tayo rin ay mapagmalasakit? Tayo kaya’y parang batong matagal nang nakababad sa tubig ng pagnonobena at pagrorosaryo, pero nang tagain ay tuyung-tuyo ang kalooban?

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP