Powered by Blogger.

Monday, October 03, 2005

Panibagong Simula

Labing-apat na taon na ang nakakalipas nang itatag sa parokya ng Gagalangin ang mga grupong Ang Pahayagang Anluwage at Tanghalang Anluwage. Layunin ng mga grupong ito na hubugin ang mga kabataan sa larangan ng pagsusulat at pag-arte.

Isang kakaibang hangarin para sa mga nakababatang miyembro ng sambayanan na ang nakagisnang tungkulin ay mangasiwa sa paghanda ng pagkain at kaayusan ng lugar sa tuwing may mga gawaing pansimbahan. Sa pamamagitan ng mga organisasyong ito nakintal sa isipan ng mga kabataan na sila rin ay kaisa ng Diyos Ama sa pagbuo at pagkumpuni ng isang matatag na pamayanan. Lumaki ang Anluwage, maraming pagtatanghal ang naisagawa, di mabilang na isyu ang naipamudmod., ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga naturingang kapamilya lalo na ng mga makapangyayari at maiimpluwensyang kasapi ng parokya.

Ang pagtanggi sa kanya ay naging parang batong ipinukol sa pastol na ikinasawi nito at nagdulot ng pagkakahiwahiwalay ng mga alagang tupa.

Ganoon pa man, kung paanong ang tubig ay patuloy na maghahanap ng madadaluyan, gayon din ang paghahanap ng paraan ng mga nalalabing Anluwage para panatilihing buhay ang kanyang diwa’t prinsipyo. Sa pahanon ng modernong agham at teknolohiya, inilunsad ang Anluwage.com, ang “Internet Magazine ng Gagalangin” upang ipagpatuloy ang aming tungkuling maging tagapaghatid-balita sa aming mga kababayan– nasa Gagalangin man siya o hindi. Hangad namin na sa pamamagitan ng webzine makabubuo tayo ng mga progresibong mamamayan at pamayanan ng Gagalangin.

Sa pagdiriwang ng aming anibersaryo, taus-puso kaming nagpapasalamat sa inyong walang sawang pagsuporta sa ikatutupad ng aming misyon. Huwag sana kayong bibitiw, nagsisimula pa lang tayo!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP