Powered by Blogger.

Friday, November 18, 2005

Sino Ang Iyong Hari?

Sa pagtatapos ng Taong Liturhikal ng Simbahan, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari. Ano bang uri ng hari ang Panginoon?

Kagaya ba siya ng isang haring sumusupil sa pagpapahayag ng pananaw na salungat sa kanyang administrasyon? Bagama't siya ay hari, hindi sapilitan ang magpasakop sa paghahari ni Jesus.

Kagaya ba siya ng isang haring nagbulsa ng utang-pinansyal mula sa mayayamang bansa habang nagdurusa sa kahirapan ang bayang dapat sana'y nakinabang sa kanyang inutang? Kung ang mga hari sa mundong ito'y naging makasarili, ibang-iba ang pamamalakad ng ating Diyos. Saan ka ba nakakita ng haring nagpakamatay sa krus para sa Kanyang bayan? O kaya'y pinunong nagpasyang maging pagkaing-nagbibigay buhay para sa Kanyang Simbahan?

Kagaya ba siya ng haring nangakong magiging kabaligtaran siya ng kanyang pinalitang hari pero wala namang ginawa para ibasura ang mga mapang-aping batas na ipinatupad ng dating nangangasiwa? At dahil sa Siya ang katotohanan, umasa tayong hindi Niya nakakaligtaan ang Kanyang mga pangako. Lumipas man ang langit o lupa ni isang pantig ng Kanyang panagko'y di mapapako.

Kagaya ba siya ng isang haring inilalarawan ang sarili bilang maka-masa subalit patuloy na namumuhay sa karangyaan? Namuhay si Kristo nang simple at nakilalang tagapagtanggol ng mga taong minamaliit ng lipunan.

Habang tayo'y nagsasaya sa pistang ito, mainam na suriin natin ang ating sarili. Bilang isang pamayanan: si Kristo nga ba ang ating hari? Bilang isang namumuno - sa pamilya man o lipunan: ang patakaran ba ni Jesus ang ating ipinatutupad?

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP