Powered by Blogger.

Thursday, August 03, 2006

Pandaigdigang Lengwahe

Para sa mga Pinoy kilala ang Agosto bilang Buwan ng Wika. Puno ang mga eskwelahan ng mga palatuntunan para alalahanin ang kahalagahan ng wikang Filipino at hikayatin ang bawat isa na tangkilikin ang lengwaheng ito.

Sa maraming kabanata ng ating kasaysayan masusulyapan natin kung paano pinagkaisa ang dating watak-watak nating mga ninuno upan lumaban para sa ating kasarinlan.

Ito rin ang daan para ang kaalaman sa iba’t ibang larangan ay maibahagi sa mga ordinaryong mamamayan. Sa pamamagitan nito, nalalansag ang tanikala ng kamangmangan.

Subalit mayroon pang isang wika na kahit ang mga banyaga’y nakakaunawa. Hindi ito Ingles o Kastila o Mandarin. Ito’y hindi tinuturo sa anumang paaralan, kolehiyo, o unibersidad. Ito’y nakatanim sa ating mga puso bago pa likhain ang mundo. Ito ang lengwahe ng pag-ibig.

Marami na ang nakipagtalastasan sa pamamagitan ng lengwaheng ito. Kabilang dito ang mag-inang Monica at Agustin. Nalulong sa maling doktrina at masamang bisyo si Agustin na halos ikawasak ng puso ng kanyang ina. Mula sa Africa, tinakasan ni Agustin si Monica para magtungo sa Italya at doon ipagpatuloy ang kanyang pagtuligsa sa Kristiyanismo. Sinundan siya doon ng di matitinag na Monica. Makalipas ang mahabang panahon ng pagsasakripisyo at pagdarasal, nagbalik-loob si Agustin kay Kristo at naging isa sa mga tanyag na “Ama at Pantas ng Banal na Simbahan”.

Kagaya ng anumang wika, may kapangyarihan ang pag-ibig na magpalaya at magpa-unlad. Nakakalungkot mapagmasdan ang maraming bata, matatanda, at may-sakit ang nagiging biktima sa labanan ng Hezbollah at Israel. Halatang wala sa bokabularyo ng mga sangkot sa labang ito ang pag-ibig.

Sa wakas ng panahon, hindi tayo tatanungin kung ilang wika ang alam natin. Sa libro ng Dakilang Hukom, tanging ang lengwahe ng pag-ibig ang nag-iisang batayan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP