Tuwing ikatlong Linggo ng Mayo, ipinagdiriwang ang Pistang Bayan ng Gagalangin. Isang palaisipan - kadalasan ng mga dayo sa bayang ito - kung bakit sa ganitong petsa idinaraos ang pista gayong Marso 19 o kaya'y Mayo 1 ang pista ni San Jose. Nakagisnan na nating magpista tuwing ikatlong Linggo ng Mayo dahil ito ang ating minana sa ating mga ninuno. Ang ating mga ninuno'y mga magsasaka - isang malaking sakahan noon ang nayon ng Gagalangin. Nagsasaya sila at nagbibigay-parangal sa kanilang patron sa panahon ng anihan na nagaganap tuwing ikatlong Linggo ng Mayo. Sinasabing ipinagdiriwang na nila ang pistang ito bago pa naging ganap na parokya ang Gagalangin.
Marami nang pagbabagong naganap sa Gagalangin. Ang dating nayon ay naging isa nang bayan dulot na rin ng pagdating ng mga tao buhat sa apat na sulok ng bansa. Ang dating kapilya'y naging malaki nang simbahan. Ang mga dating gusali'y napalitan na ng bago. May mga taong dumating at mayroon din namang lumisan. May mga pistang mariwasa at mayroon namang payak. Isang bagay ang patuloy na mananatili: ang pag-uukol ng panahong ito, kahit na maigsi, para kay San Jose, ang "pintakasing ibig".
Taus-puso kaming nakikiisa sa aming mga kababayan sa dakilang selebrasyon ito. Sa tulong ng Mahal na Poong San Jose, patuloy nawang "kupkupin ng langit" ang Gagalangin, ang bayang aming sinilangan, ang inang nag-aruga sa aming samahan hanggang sa kami'y matutong pumalaot sa malawak na bahagi ng mundo.
Mabuhay ka, Gagalangin!
Thursday, May 17, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment