
Naglabas kamakailan ang Vatican Office for migrants and itinerant people ng sampung utos para sa mga nagmamaneho ng mga sasakyan bilang bahagi ng isang dokumentong naglalayong ipakita ang mga benepisyo ng pagmamaneho ng sasakyan at ang mga kasamaang idudulot nito kung magiging pabaya, mayabang, o bastos ang sinumang nasa manibela.
Sang-ayon din sa dokumento, posibleng maging sanhi ng pagkakasala ang pagiging iresponsable sa pagmamaneho kagaya ng paggamit nito sa prostitusyon. Sa isang banda, hinihikayat ng dokumentong ito na maging masunurin ang bawat tsuper sa batas-trapiko, responsableng magmaneho, at magdasal habang nagmamaneho.
Tunay na may malaking papel na ginagampanan ang pagmamaneho sa ating makabagong panahon. Subalit nakakalungkot pagmasdan ang kawalan ng disiplina ng ilang motorista na siyang sanhi ng di mabilang na aksidente at kamatayan sa kalsada. Tinatayang 1.2 milyong tao ang binabawian ng buhay sa ating mga kalye kada taon.
Ang paglalabas ng dokumentong ito ay napapanahon at naaangkop lalo sa ating bansang kakikitaan ng mga di kanais-nais na karanasan sa mga lansangan. Ang dokumento nawang ito ay mainit na tanggapin ng ating mga obispo at, lalo't higit ng bawat isa sa ating may kakayahan at karapatang magmaneho.
No comments:
Post a Comment