Matapos ang palitan ng salita nina Joey de Leon at Willy Revillame hinggil sa alegasyong pandaraya diumano ni Willy sa pagbunot ng numero sa kanyang game show, marami nang personalidad ang nakisangkot sa away.
Unang-una na rito sina Senador Mar Roxas at Senador Gringo Honasan na kapwa nanawagang imbestigahin ng Senado ang naganap na dayaan sa Wowowee noong isang buwan. May mga nagsasabing may bahid-pulitika ang panawagang ito dahil isa sa mga nagnanais tumakbong presidente sa 2010 si Roxas.
Hindi na kami makikisangkot sa masyado nang masalimuot na isyu ng pandaraya sa sikat na palabas ng ABS-CBN.
Gusto naming ituon ang inyong pansin sa bagong pakulo ng Wowowee, ang Wilyonaryo kung saan tatanungin ang mga kalahok at papipiliin sa tatlong sagot. Kung ang ating multiple choice exam ay may A, B, at C, ang Wilyonaryo ay mayroong Wil, Yo, at Naryo.
Hindi ka maniniwalang ang mga tanong ay pawang nakasalalay sa pakiramdam kaysa pag-iisip ng mga kalahok. Isang halimbawa na ang tanong kung ano ang paboritong hugis ng mga kalahok. Bagamat may mga pagpipilian, ang tamang sagot ay depende pa rin sa gusto ng mga 'pindoters'. Paano kung ang gusto mong hugis ay parisukat gayong karamihan sa mga 'pindoters' ay mahilig sa bilog? Para sa iyo, ikaw ang tama. Pero hindi sa mata ng ibang tao.
Nakakadismayang mapanood ang ganitong uri ng laro lalo na't nagiging depende sa sumasagot ang pagiging tama ng kanyang sagot at hindi sa iisang tamang sagot. Ipinagmamalaki pa ng isang artistang namamahala sa palabas na wala raw tama o mali sa mga kasagutan. Paano mahahasa ang pag-iisip ng mga tao lalo na ng mga kalahok na pawang kapos sa maraming bagay lalo na sa kaalaman?
Tunay kaya ang pangarap ng palabas na maiahon sa kahirapan ang mga dukha o bigyan lang sila ng maling pag-asa na matsambahan ang naglalakihang papremyo nito?
Friday, September 07, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment