Powered by Blogger.

Friday, October 12, 2007

Paalala Mula sa Isang Ina

Isa sa mga kilalang simbahan sa Kamaynilaan ang Santa Cruz Church. Isa nang bentahe marahil kaya maraming nagsisimba dito ay ang pagiging malapit nito sa maraming pamilihan sa Avenida Rizal at mga karatig kalsada. Bukod dito, maraming Misa, kumpisal, at pagsamba sa Banal na Sakramento ang ginaganap dito araw-araw.

Bagamat tinatawag na 'Santa Cruz', ang tunay na pintakasi ng parokyang ito ay ang Mahal na Birhen Del Pilar. Sa kaliwang panig ng altar ng simbahan matatagpuan ang imahen ni Mariang nakatungtong sa isang haligi ('pilar' sa wikang Kastila) habang kalong ang sanggol na Jesus.

Sang-ayon sa isang kuwento, nagpakita ang Mahal na Ina sa ganitong ayos kay Apostol Santiago nang mangaral ang alagad sa Espanya. Sinasabing ang pangitaing ito ay nagpalakas ng loob ng apostol sa kanyang ministeryo.

Tayo rin ay kabahagi ng Simbahan upang maipalaganap ang Mabuting Balita ni Kristo sa mundo. Hindi kataka-takang makaranas tayo ng pag-uusig dahil mismong ang Panginoon at ang mga naunang sumunod sa Kanya'y dumanas din nito.

Sa mga nagaganap sa ating paligid ngayon, naroon ang tuksong bumitiw na sa ating mga krus. Sa kapistahan ni Maria, ang Birhen Del Pilar ngayong ika-12 ng Oktubre, pinaaalalahan tayo ng ating Ina na huwag panghinaan ng loob, na manatili tayong nananalig sa Diyos, ang tunay na haligi ng ating pagkatao.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP