Panahon na para dagdagan ang bilang ng mga kardinal sa ating bansa. Iyan ang nilalaman ng isang resolusyong ipinasa ni Senador Joker Arroyo kamakailan. Sang-ayon sa kanya, hindi angkop ang bilang ng mga kardinal sa populasyon ng ating bansa. Sa kasalukuyan, mayroong tatlong Pilipinong kardinal para sa 73 milyong Katolikong Pilipino. Samantalang ang Amerika ay mayroong 63 milyong Katoliko at 13 kardinal; ang Italya ay may 57 milyong Katoliko at 38 kardinal; ang Pransya ay may 45 milyong Katoliko at 7 kardinal; ang India ay may 16 milyong Katoliko at 5 kardinal; at ang Japan ay may 505,000 Katoliko at 2 kardinal.
Sumasang-ayon kami sa panawagan ng butihing senador na damihan pa sana ang mga kardinal na siyang kakatawan sa ating bansa sa Roma. Bilang pumapangalawa sa pinakamalaking Katolikong bansa sa buong daigdig, mahalagang magkaroon tayo ng mas malakas na boses sa Apostolic College.
Subalit, hindi naaangkop na gamitin ni Arroyo ang Senado para ipahayag ang kanyang saloobin tungkol dito. Bagamat malaking porsyento ng mamamayang Pilipino ay Katoliko, hindi nababagay sa isang sangay ng pamahalaan na magmungkahi sa sistema ng isang relihiyon sa dahilang magmumukhang pinapaboran ng gobyerno ang Simbahang Katoliko. At kung magiging ganito ang ugali ng pamahalaan (o ng anumang pananampalataya), malalabag ang prinsipyo ng "separation of Church and State".
Makakabuti pa marahil na personal na idulog ni Senador Arroyo ang kanyang hinaing sa mga kinauukulan kaysa sayangin ang oras ng Senado sa isyung wala silang kakayahang lutasin.
Friday, November 09, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment