Powered by Blogger.

Thursday, July 24, 2008

Tatlong Ginoo

Tito Sotto, Mike Defensor, at Ralph Recto. Mga kilalang pangalan noong nagdaang eleksyon. Mga kandidato sa pagiging senador sa ilalim ng partido ng Pangulo na hindi pinalad na mahalal sa puwesto. Subalit makalipas ang isang taon, sila'y inatasan ng Pangulo na pamunuan ang ilang sangay ng gobyerno. Si Sotto bilang Chairman ng Dangerous Drugs Board, si Defensor bilang hepe ng Presidential Task Force on Ninoy Aquino International Aiport Terminal 3, at si Recto bilang Director-General ng National Economic and Development Authority.

Marami noon ang nagalit kay Defensor sa kanyang masigasig na pagtatanggol kay Arroyo sa maraming okasyon. Ito rin ang sentimiyento ng madla kay Recto na siyang punong tagasulong ng kontrobersyal na Expanded Value Added Tax (EVAT) na pinaniniwalaang balakid para maiahon sa kahirapan ang marami. Galit din ang nadama ng mga botante kay Sotto na dati'y kakampi ni Erap subalit lumipat sa kabilang kampo. Ang kanilang pagiging kaalyado ng Malacanang ang kumitil sa kanilang pag-asang maging senador.

Pinayuhan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz ang mga bagong opisyal na huwag magpagamit sa katiwalian ng Malacanang. Nakiisa kami sa panawagan ng arsobispo. Sa panahon na lalong dumarami ang nagagalit at nawawalan na ng tiwala sa Pangulo, wala nang inaasahan pa ang taumbayan kundi ang pagkakaroon ng mga matatapat at malilinis na lingkod-bayan.

Patunayan nawa ng tatlong ginoong na natuto na sila sa leksyon ng nakaraang eleksyon. Ipakita nilang mayroon silang paninindigan na di kayang tumiklop sa kapangyarihan at impluwensya ni Gloria.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP