Bilang mga Kristiyanong Katoliko, naniniwala tayong iniakyat sa langit ang kaluluwa at katawan ng Mahal na Birheng Maria. Ipinagdiriwang at inaalala natin ang kanyang Assumption tuwing ika-15 ng Agosto.
Hindi ito katulad ng Pag-akyat sa langit ng Panginoon o Ascension; bilang Diyos kayang-kaya ni Jesus na magpunta sa langit (at manaog sa lupa). Sa dalawang misteryong ito nagkakamali ang iba at ito'y maririnig natin sa ilang namumuno ng Banal na Rosaryo kung saan ipinahihiwatig sa atin na pareho ang Ascension at Assumption.
Ang pag-akyat sa langit kay Maria ay nagpapatotoo sa mga sumusunod:
Una, na sa kabila ng ating mga kakayahan, kapangyarihan, at kayamanan kailangan natin ng mas higit pang kapangyarihan na nagmumula lamang sa Itaas. Si Maria, bagamat Ina ng Maykapal, ay tao ring gaya natin na mangangailangan ng kapangyarihan (buhat sa Diyos) para makatungo sa Kanyang kaharian. Samakatuwid, kung nanaisin nating magtagumpay (at kasama na dito ang makibahagi sa ligaya ng langit), dapat tayong magpakumbaba. Walang puwang sa kaharian ng Diyos ang mga hambog; tanging mga humble lamang!
Pangalawa, ang kahalagahan ng pag-asa. Ang buhay natin ay hindi magtatapos sa mundong ito. Sabi nga ni San Agustin, ang Diyos ang ating hantungan. Hindi man natin natamo sa lupa ang pinakaaasam nating kaginhawahan, umasa tayong sa kabilang-buhay nandoon ang higit pa sa ating hinagap. Pero hindi ibig sabihin nito na masiyahan na lang tayo na mamuhay na inaapi at niyuyurakan ng ibang tao. Ang paglaban sa ganitong mga kasamaan ay bahagi ng bawat tagasunod ni Jesus.
Pangatlo, walang ibang direksyon kundi pataas. Katulad ni Maria na atin ding Ina, matuto tayong umangat sa anumang sitwasyon sa buhay. Si Maria'y naging bukas sa inspirasyon at grasya ng Banal na Espiritu kung kaya't nakaangat siya sa mga pagsubok na kailangan niyang harapin. Ito rin ang naging pag-uugali ng iba pang mga santo. Huwag tayong masiraan ng loob at huwag din tayong padadala sa galit at poot. Maging daan din tayo para itaas ang bumabagsak nang kalooban ng marami nating kababayan. Kaloobang lugmok na sa di magandang kalagayan sa ating bansa na lalo pang pinalalala ng isang pamahalaang pulubi ang trato sa kanyang mga nasasakupan. Kung nais nating maging mataas, sikapin din nating tumaas ang iba. Ito ang gawi ng mga unang Kristiyano (Mga Gawa ng mga Apostol) na dapat nating muling buhayin sa panahon ngayon.
Ang pagpapakumbaba ay nagdudulot ng pag-asa. Ito rin ang magiging daan para tayo'y umunlad. Sa tulong ni Mariang iniakyat sa langit, kumapit tayo sa mga katotohanang ito upang makamit din natin ang pamana ng Ama sa atin.
Friday, August 08, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment