Powered by Blogger.

Monday, October 27, 2008

Kakayahan ng Mag-aaral

Sa pagpasok ng bagong buwan, muli na namang magbubukas ang mga kolehiyo't unibersidad sa buong bansa bilang pasinaya sa ikalawang semestre ng taong akademiko. Para sa ibang mag-aaral, ito marahil ang una nilang 'second sem' bilang mga freshmen. Sa iba naman ito na marahil ang kanilang huli bago nila suungin ang mundo ng trabaho. Saan mang grupo napapabilang ang isang estudyante, iisang bagay ang dapat nilang pagtuunan ng pansin: pag-aaral. Pag-aaral sa mga katotohanang nakapaloob sa bawat asignaturang bumubuo sa mga kurso. Pag-aaral sa mga values ng kolehiyo o unibersidad na pinapasukan. Pag-aaral upang mahubog ang sarili na maging kapaki-pakinabang na kasapi ng bayan.


Sa bansang lubos na nagpapahalaga sa edukasyon sa kabila ng kahirapang kanyang dinaranas, ang pagtungtong sa kolehiyo ay isa nang malaking biyaya. Puno tayo ng pag-asang matapos ang pagsusunog ng kilay ay makakahanap ng magandang trabaho ang isang estudyante.


Subalit hindi lamang sa paghahanap ng mabuting trabaho balang araw nagiging kapaki-pakinabang ang isang mag-aaral. Sa pagiging estudyante mismo maaari na siyang makapag-ambag sa lipunan. Ang kanyang pakikilahok sa mga student organizations sa paaralan o kaya'y sa kanyang parokya't barangay ay halimbawa na kung paano pa siya, bilang estudyante, makakapagbigay ng kanyang kakayahan sa ikabubuti ng komunidad. Kung siya'y may kakayahang magsulat, maaari siyang makiisa sa college newsletter o kaya's sa sarili nating anluwage.com. Kung siya nama'y magaling sa isports, puwede naman siyang lumahok sa programang pangkalakasan sa barangay. Kung malawak ang kanyang kamalayan sa mga usaping pulitikal, kaya niyang maging boses ng kanyang kapwa-kabataan sa ikapagbabago ng lipunan. Ang mga personalidad gaya nina Jose Rizal, Apolinario Mabini, at Antonio Luna ay sumasagi sa ating isip dahil sila ay ilan sa mga nagpakitang-gilas sa kanilang kontribusyon sa lipunan habang nag-aaral pa lamang.
Minsan pa nga, may taglay nang kakayahan ang ilang mag-aaral na maging aktibo sa kani-kanilang pamayanan na kanila namang nagagamit sa mga samahang pang-estudyanteng kanilang nilalahukan. Sa ganitong paraan naman nabibigyan ng sariwang dugo ang mga kolehiyo't unibersidad sa kanilang mga outreach programs.


Maraming magagawa ang mga estudyante natin sa kolehiyo para ilagay sa tama ang ating bansa. Kung kaya't ngayong buwan ng Nobyembre inaalala natin sila sa ating panalangin. Itaas din natin sa Poong Maykapal ang bawat magulang, guro, at iba pang nakatatandang may responsibilidad na umakay sa mga mag-aaral na patuloy nilang makilala ang kakayahan ng mga kabataan at maging daan sila upang lubos pa itong mailaan sa mabuti.


No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP