Isa na sigurong pinaka-abalang miyembro ng pamilya sa nalalapit na Kapaskuhan ay ang mga ina. Sa ating lipunan ang ina ay may masusing tungkulin sa pamamalakad ng mag-anak mula sa pang-araw-araw nitong kakainin at iba pang gastusin hanggang sa kaayusan ng bahay gayon din ang kalusugan ng ama at mga anak. Nakakapagtaka minsan kung saan humuhugot ng lakas at determinasyon ang mga ilaw ng ating tahanan para mabalanse ang mga hamon sa buhay-pamilya at buhay-may asawa. Naniniwala kaming babagsak ang pamilya - at kalaunan ang lipunan kung saan ito nakabase - kung hindi naghahanda ang isang ina.
Ito ang isang magandang halimbawa: sa mga nagnanais magkaanak o kaya'y naglilihi na, pinapayuhan silang kumain ng masusustansyang pagkain at umiwas sa mga grabeng alalahanin. Bakit? Para maging malusog sila at ang kanilang magiging anak.
Kung gaanong katotoo ang kasabihang, "Mag-asawa'y di biro", gayon din ang "Pagiging ina'y di biro". Ito ang nasa isip ng Diyos nang planuhin Niyang iligtas ang mundo sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Kinailangan Niyang ihanda ang isang ina na malusog hindi lamang ang pangangatawan kundi lalo't higit ang kaluluwa. Ito ang misteryo ng Kalinislinisang Paglilihi kay Maria na ating ipagdiriwang sa darating na ika-8 ng Disyembre.
Ang pagiging malinis ni Maria, ang kanyang pagiging "napupuno ng grasya", ang nag-udyok sa kanya balang-araw na tanggapin ang paanyaya ng Diyos na maging Kanyang ina.
Ngayong tayo'y naghahanda sa pagdiriwang ng pagsilang sa mundo ng kanyang Tagapagligtas, muli nating sulyapan ang halimbawa ni Maria. At sa ating pagsulyap, ating idulog sa kanya ang lahat ng mga ina at atin din silang suportahan sa abot ng ating makakaya upang manatili silang nagbibigay-liwanag sa kani-kanilang tahanan, na palagi silang mamuhay sa grasya ng Diyos upang katulad ng Mahal na Birhen lagi silang maging handang tumugon sa panawagan ng Diyos na maging kabalikat Niya.
No comments:
Post a Comment