Apatnapung araw mula nang isinilang ang Panginoon, dinala Siya ng Kanyang mga magulang sa templo upang italaga sa Diyos. Sang-ayon sa Kautusan ni Moises, ang bawat panganay na anak na lalaki ay dapat ihain sa Panginoon.
Tayo rin, nang tayo'y binyagan, ay itinalaga sa Panginoon. Sa pagkrus ng pari, mga magulang at mga ninong at ninang sa ating mga noo, tayo ay naitalaga na kay Jesus. Isang panibagong buhay ang napasaatin magmula noon. Isang buhay na kaisa ni Kristo. Isang buhay na dapat ay matulad kay Kristong walang hinangad kundi ang masunod ang kalooban ng Ama.
Nang tumuntong sa hustong edad, ang ilan sa ati'y nagdesisyong ilaan ang buong buhay nila sa serbisyo sa Diyos at sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng pagpapari, pag-eermano, o pagmamadre. Mayroon din namang ilan na nagpasyang mag-asawa at maging tagapagtaguyod ng isang pamilya.
Sa lahat ng uri ng bokasyong ito, hindi birong sakripisyo ang dapat danasin mapanatili lamang ang katapatan sa klase ng buhay na ating pinili o pipiliin. Anuman ang ating piliin, tandaan nating ang bawat bokasyon ay daan para maisakatuparan natin ang niloloob ng Diyos.
Sa buwan ng Pebrero inaalala natin ang Araw ng mga Puso, isang okasyon ng pag-ibig. Sinasabing tayo'y huhusgahan hindi sa dami ng ating salapi o kung gaano tayo naging matagumpay bilang pari o magulang. Tayo'y susulitin sa kung paano tayo nagmahal.
Sa buwan ding ito binibigyang-diin ang buhay. Ang pag-ibig at ang buhay ay dapat laging magkasama. Pag-ibig ang nagpapaganda at nagbibigay-saysay sa ating mga buhay. Ang buhay na walang pag-ibig ay isang buhay na walang kabuhay-buhay.
Sang-ayon kay San Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Corinto, hindi na natin pag-aari ang ating mga katawan. Kung magkagayon, magpursige tayong ang ating bokasyon ay magpatotoo sa pag-ibig at manindigan sa buhay.
Friday, January 30, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment