Powered by Blogger.

Thursday, March 26, 2009

Sugo

Masigabong palakpakan ang naririnig sa oras na naangkop sa ganang atin ang anumang ipahayag ng isang lider. Suriin natin, halimbawa ang ating mga pinuno di lang sa gobyerno kundi pati na rin sa Simbahan at maraming beses tayong umayon sa kanilang mga diskurso. Subalit dahil tao lang tayo na may kanya-kanyang gusto at di gusto, may mga oras din na di natin tinanggap ang kanilang mga pananaw.

Nitong huli, naging tampulan na naman ng batikos si Pope Benedict XVI nang kanyang bawiin ang excommunication sa apat na obispong kaanib ng Society of St Pius X. At nitong Marso, marami ang umatake sa pahayag ng Papa na hindi nakakatulong ang paggamit ng condom sa paglala ng AIDS.

Ang pambabatikos sa Papa ay hindi na bago sa talaan ng kasaysayan ng Simbahan. Si Jesus mismo, ang tagapagtatag ng Simbahang Katolika, ay hindi nalibre sa pamumuna ng mga taong di natuwa sa Kanyang mga pangaral.

Kalakip na ng sinumang sugo mula sa mga propeta noong Lumang Tipan hanggang kay Jesus hanggang sa lahat ng sumunod sa Kanya - kasama na tayo - ang mga pamumuna ng ibang tao. Hindi man tayo dumanas ng paghahampas sa haliging bato at pagpako sa krus, nalalasap pa rin natin ang sakit na tanggihan, na laitin, na siraan sa iba dahil sa ipinaglalaban nating prinsipyo, ang prinsipyo ni Kristo.

Pasidhi na nang pasidhi ang ating paghahanda sa mga Mahal na Araw. Muli na naman nating aalalahanin ang mga araw nang magsamasama ang mga kalaban ng Panginoon para patahimikin Siya. Harinawa, samantalahin natin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa Kanyang pagtalima sa Amang nagsugo sa Kanya. Gamitin din natin itong pagkakataon para sariwain ang ating pagiging mga sugo Niya sa mundo at upang manalangin din para sa ating mga kapwa sugo gaya ng Santo Papa na manatili tayong tapat hanggang sa huli.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP