Powered by Blogger.

Wednesday, August 26, 2009

Sakripisyo

Papainit nang papainit ang pambansang halalan sa susunod na taon. Marami na ang nagpahayag ng kanilang interes na tumakbo bilang pangulo – isang eksenang di na bago sa mata ng madla. At kung maraming kakandidato, umasa tayong marami na naman ang idedeklarang ‘panggulo’ ng COMELEC, at lalo’t higit hating-hati na naman ang boto’t magiging ‘plurality president’ lamang ang sinumang mauupo sa Malacañang.

Ang ganitong karanasan ng bansa mula noong 1992 ay isang butas sa ating Saligang-Batas. Di tulad sa maunlad at makapangyarihang Estados Unidos kung saan dalawang partido lamang ang nagtutunggali sa puwesto.

Ganoon pa man, hindi natin dapat abusuhin ang butas na ito. Dapat pa nga’y pagyamanin natin ang ating demokrasya sa halalan sa pamamagitan ng pagsasanib puwersa ng mga kandidatong nagkakasundo sa plataporma at ideolohiya.

“Madaling sabihin pero mahirap gawin”, ang pihadong sasabihin ng marami lalo na’t ang bawat kandidato’y mag-aakalang sila at sila lang ang magaling.

Magandang balikan natin ang ating kasaysayan. Nang magpatawag ng snap elections si Marcos, nagpahayag ng interes ang lider ng oposisyon noon na si Doy Laurel na kalabanin ang diktador. Pero, nang kalaunan, nagparaya si Doy sa popular na Cory Aquino. Kung nagmatigas siya, siguradong nakaupo pa rin si Marcos o kaya’y si Imelda sa puwesto.

Sa ating mga Kristiyano, ang pagpaparayang ginawa ni Doy ay tinatawag nating sakripisyo. Ang sakripisyo ay galing sa wikang Latin na ang ibig sabihi’y “pabanalin”. Ang pagpaparaya ni Doy noon ay naging banal dahil naging mas matimbang kay Doy ang pagbubuklod ng bayang watak-watak para lipulin ang kasamaang ng diktadurya.

Patuloy pa rin tayong nakikibaka sa kasamaan – sa anyo ng administrasyong Arroyo. Kung marunong lang magkaisa ang mga kakandidato, kung marunong lang silang magparaya, kung marunong lang silang magsakripisyo para sa kabutihan ng bayan maiiwasan natin ang mga gulo ng mga nagdaang eleksyon, mapapakinggan nang malinaw at walang agam-agam ang tunay na boses ng bayan sa Mayo 2010, at mapupuksa natin nang sama-sama ang kasamaang sumisikil sa kaunlarang-bayan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP