Kaugalian na sa maraming Pilipinong mag-asawa lalo na ang mga may-kaya sa buhay ang gunitain ang anibersaryo ng kanilang kasal. Kabilang na dito ang dating senador Tito Sotto at ang kanyang maybahay, ang premyadong aktres na si Helen Gamboa na kamakailan ay nagdiwang ng kanilang ika-40 taong anibersaryo.
Sa panahong ito na ang pagsasama ng mag-asawa ay nahaharap sa maraming pagsubok, ang pagdiriwang ng anibersaryo ng kasal ay isang inspirasyon at patunay na sa grasya ng Panginoon at sa pagsisikap ng mag-asawa, posibleng posible na magtagumpay ang ugnayan ng isang lalaki at babae.
Ang kasal, para sa ating mga Kristiyano, ay isang sakramento na nag-iiwan ng di mabuburang karakter sa sinumang tatanggap nito. Minsan lang ito tatanggapin subalit panghabang buhay na itong tataglayin. Kaya nga't winika mismo ni Kristo na kung ano ang pinagsama ng Diyos ay di dapat paghiwalayan ng tao. At dahil nga sa kasagraduhan nito, ang anumang pakikipag-ugnayang sekswal sa iba ng babae o lalaking may-asawa ay pangangalunya.
Kung nag-iiwan ng di mabuburang karakter ang sakramento ng kasal, bakit ibinalita ng Showbiz News Ngayon (SNN) ng ABS-CBN na nagpakasal na muli ang mag-asawang Sotto? Di rin kami makasunod sa logic ng kanilang headline kung saan binanggit nilang muling nagpakasal diumano ang sikat na mag-asawa sa pagdiriwang ng kanilang ika-40 anibersaryo. Kung nagdiriwang na sila ng kanilang anibersaryo, bakit kailangan pa nilang magpakasal? Kung ikaw ba ay magdiriwang ng kaarawan ng iyong pagsilang, kailangan pa bang bumalik ka sa sinapupunan ng iyong ina para iluwal ka niya uli?
Nakakalungkot na sa kabila ng ating pagiging Pilipino, di pa rin natin nagagamit nang wasto ang ating sariling wika. Bukod dito, hindi pa natin lubusang nauunawaan ang sakramento ng kasal. Mas mainam na isinaad na lang sana ng headline na nagdiwang ng anibersaryo sina Tito at Helen at binanggit sa kanilang news item na sinariwa ng mag-asawa ang kanilang marriage vows. Sa pagbanggit nito mas mauunawaan natin na ang kasal ay minsan lang tinanggap subalit ito'y inalala sa pamamagitan ng pagpapanibago ng mga sumpaang binitiwan noong ikinasal ang mag-asawa. Kagaya ng binyag, minsan lang natin itong tinanggap pero tuwing Pasko ng Muling Pagkabuhay ito'y ating sinasariwa upang ipaalala sa atin ang responsibilidad bilang mga tagasunod ni Kristo't mga inampong anak ng Diyos Ama.
"A half truth is a whole lie," wika ng isang kasabihan. Masakit mang sabihin pero di nagsasabi ng ganap na katotohanan ang SNN hinggil sa naganap anibersaryo ng mga Sotto.
Sunday, September 27, 2009
Minsan lang ang Kasal
Labels:
anibersaryo,
di mabuburang karakter,
Helen Gamboa,
kasal,
marriage vows,
SNN,
Tito Sotto
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment