Powered by Blogger.

Wednesday, September 01, 2010

Iba't ibang Iisa


Hindi na pangkaraniwan makita ang iba’t ibang lahi’t kultura na namumuhay sa isang pamayanan saan mang sulok ng mundo. Sa ating kasaysayan, matutunghayan natin kung paano nakipagkalakal ang mga dayuhang gaya ng mga Chino at Bumbay sa mga Pilipino. Umunlad ang ugnayang ito na nagbunga ng pag-aasawa ng dalawang magkaibang lipi. Sina Pangulong Noynoy Aquino at Miss Universe 2010 4th Runner Up Venus Raj ay ilan sa mga produkto ng ‘mixed culture’.

Subalit sa kasaysayan ng mundo, makikita rin kung paano naging batayan ang lahi’t kulay sa pag-asenso sa buhay ng isang indibidwal. Di lingid sa atin na naging alipin ng mga puting lahi ang mga itim sa loob ng maraming taon. Makalipas ang pagsasawalang-batas ng pang-aalipin sa mga itim, hinarap naman ng ilang mauunlad na bansa gaya ng Amerika’t Ingglatera na alisin sa kanilang sistema ang diskriminasyon. Hindi ito naging madaling proseso noong una, ngunit dahil sa kanilang pagpupursige ito’y kanilang nalansag. Ang Amerika ngayo’y pinamumunuan ng isang nanggaling sa itim na lahi.

Unti-unti nakikilala ng mga bansa’t lipunan na walang ibang paraan upang mabuo ang isang matatag na pamayanan kundi ang pagkilala’t pagpapahalaga sa pagkakaiba ng kultura’t lahi. Na ang pagkakaibang ito’y hindi hadlang kundi siya pang daan.

Ang pumalpak na pagligtas sa 8 Chinong hinostage ng isang pulis Maynila sa Luneta noong ika-23 ng Agosto ay naging matinding dagok sa ating pakikipag-ugnayan sa China. Hindi maiwasan ang matakot ang marami nating kababayang naghahanap-buhay sa Hong Kong at iba pang bansang ang malaking bahagi ng populasyon ay binubuo ng mga Chino na pagbutunan sila ng galit, pangungutya, at diskriminasyon dahil sa trahedyang ito.

Ngayong Setyembre, hilingin natin sa makatarungang Diyos na antigin ang ating puso’t liwanagan ang ating isip na manatili tayong nakikipag-ugnayan sa ibang lahi, na huwag tayong magpaapekto sa anumang suliranin, na matuto tayong makita ang kakayahan ng bawat isa na makapag-ambag sa lalong ikauunlad ng ating sambayanan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP