Powered by Blogger.

Thursday, December 02, 2010

Pangmatagalang Pamasko


Makulay ang naging istorya ng paglikha ng Diyos sa mundo. Ang mga unang kabanata ng Aklat ng Genesis ay hitik sa kuwento kung paano binigyang-buhay ng Panginoon ang daigdig at lahat ng Kanyang nilikha. Subalit sa isang pagsuway ng mga unang tao, nawala ang sinasabing paraiso, naglaho ang ‘magandang’ daigdig.

Sa kabila ng pagkakasala’t paglisan ng ating mga unang magulang sa paraiso, nangako ang Diyos na isusugo Niya ang isang Tagapagligtas na siyang magbabalik sa ayos ng mundong nasira dahil sa kasalanan.

Ang pagdating ng Pangakong Tagapagligtas ay nagdulot ng pag-asa sa sinumang naniniwala sa Diyos. Bagama’t di lahat ay kumilala sa Kanya, ipinunla ni Jesus sa puso’t isipan ng mga tagasunod Niya ang isang bagong utos na siyang magsisilbing susi sa pagsasaayos sa daigdig: pag-ibig sa isa’t isa.

Mula noon hanggang ngayon ang utos na ito’y isinabuhay ng di mabilang na tao. Ang pag-ibig na itinuro ni Kristo ay patuloy na ipinadarama sa sinuman lalo na sa mga mahihirap, mahihina, may sakit, atbp. Hindi katakataka na kapag ipinagdiriwang natin ang kaarawan ni Jesus abala tayo sa pagbabahagi ng pag-ibig na ito sa ating kapwa, sa ating pagpapamasko sa kanila.

Maraming paraan kung paano natin pinamamaskuhan ang ating kapwa. Bukod sa pagbibigay ng mga materyal na regalo, nagkakaroon din tayo ng mga pagtitipon para papag-ibayuhin ang ating ugnayan sa isa’t isa. Subalit nakapag-isip na ba tayo ng pangmatagalang pamasko sa ating mga mahal sa buhay?

Isang pangmatagalang pamasko na maaari nating ipagkaloob bukod sa pag-iimpok sa bangko o pagkakaroon ng pension plan ay ang pagpapanatili ng isang malinis at kaayaayang daigdig.

Hindi ito mahirap o magastos. Kung gagamitin nating puhunan ang pag-ibig na iniutos sa atin ni Kristo, hindi tayo mag-aatubiling maging responsable sa tamang pagtapon ng mga basura (marami na namang basura ang makokolekta sa darating na Kapaskuhan; ang iba pa nga dito'y puwede pang i-recyle gaya ng bote o papel), sa wastong paggamit ng ating mga sasakyan, sa tumpak na pagkonsumo ng kuryente’t tubig, sa ating pangangalaga sa anumang likas yaman na natitira pa sa paligid.

Bukod sa Kanyang pagiging makatao, si Kristo rin ay maka-kalikasan. Bilang karpintero ginamit Niya ang kahoy sa paggawa ng mga kasangkapan. Bilang guro maraming beses Niyang ginamit ang kalikasan sa Kanyang mga talinghaga at pangangaral.

Sa pagdiriwang natin ng Kanyang pagsilang, pamaskuhan din natin ang Inang Daigdig bilang pagtulad at pag-alala sa Kanya na naparito upang magkaroon tayo ng isang ganap na buhay.

Isang mapagpalang Pasko sa inyong lahat!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP