Powered by Blogger.

Wednesday, March 02, 2011

Taklesa o Prangka?


Taklesa. Iyan ang madalas na ilarawan sa sinumang hindi marunong gumamit ng kanilang dila sa tamang panahon at lugar. Ilang beses na ba nating nakalimutang pumreno sa ating pagsasalita na di namamalayang nakakasakit na tayo sa damdamin ng iba? Hindi ba’t lagi tayong pinaaalalahanan ng mga nakatatanda na isipin muna nang maraming ulit ang anumang sasabihin buksan ang ating bibig?

Ang pagiging taklesa ay di kapareho ng pagiging prangka. Kung ang taklesa ay walang pakundangan sa kanyang kinakausap, ang prangka ay nagsasabi ng totoo bunsod ang hangaring mapabuti ang kausap. Maihahambing ang isang prangka sa isang tableta. Bagama’t mapait ito sa panlasa (o sa pandinig), pangmatagalang kagalingan ang idinudulot nito. Si Jesus ay isang prangkang guro. Si Juan Bautista ay isang prangkang propeta. Si Pablo ay isang prangkang alagad. Sila’y di tulad ng mga taong may matatamis na dila na kadalasa’y sa kapahamakan dinadala ang mga napapaniwala nila.

Dapat lamang tandaan na hindi lahat ay natutuwa sa mga prangkang tao dahil madalas masakit ang katotohanan. Ang iba nga'y umaabot pa sa paggawa ng masama sa sinumang nangungusap at naninindigan sa katotohanan. Hindi lingid sa atin kung ano ang naging kahihinatnan nina Jesus, Juan, at Pablo sa mga kamay ng mga masasama.

Sinasabing ang dila ay makapangyarihan at mapanganib. Puwede itong magpahayag ng magandang balita sa lahat, pero maaari din itong magkalat ng kasinungalingan, kasamaan, kalungkutan, kawalan ng pag-asa.

Ngayong Marso, hilingin natin sa Panginoon ang biyaya na magkaroon ng mabungang bibig. Isang bibig na laging magdudulot ng pag-asa at kaligayahan sa lahat. Patatagin din nawa Niya tayo na maging prangka, na laging handing magsalita ng katotohanan nang walang kinatatakutan. At sa mga pagkakataong tayo’y naging taklesa, hilingin natin ang Kanyang pagpapatawad.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP