Sa mga unang kabanata ng Mga Gawa ng mga Apostol matutunghayan ang pagpapatotoo nina Pedro at Juan kay Kristo sa taumbayan at sa matatanda ng bayan. Mababasa rin sa nasabing aklat kung paano namuhay ang mga unang Kristiyano bilang isang pamayanan: nagbabahaginan ng anumang biyaya mayroon sila; nagdarasal nang sama-sama; nagpupuri sa Diyos; nagsisilbing mabuting halimbawa sa iba.
Mula sa kadiliman, takot, pagkamakasarili, at kasalanan tinawag ng Matagumpay na Panginoon ang Kanyang mga tagasunod sa isang bagong buhay na dulot ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang dati-rating papatay-patay na mga nilalang ay buhay na buhay; maningas sa pagtupad sa kanilang misyon; walang inaatupag kundi gumawa ng kabutihan.
Minsan winika ng iginagalang na Mahatma Gandhi na hanga siya kay Jesu-Kristo subalit hindi sa mga tagasunod nito. Hindi maikakaila na sa kasaysayan ng Simbahan ay may mga pagkakataong nabahiran ang magandang reputasyon ng mga Kristiyano dala ng pang-aapi, kawalan ng respeto, at pagmamataas ng ibang mga kapatid natin sa pananampalataya – ordinaryo man siyang miyembro o nasa liderato.
Sa pagdiriwang natin ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, maging hamon nawa sa atin na balikan ang naging istilo ng pamumuhay at pakikitungo ng mga ninuno natin sa pananampalataya. At sa ating pagbalik doon, tiyak na madidiskubre natin ang naging pamumuhay at pag-uugali ni Jesus.
Kung ito’y ating magagawa, makita nawa ng iba si Jesus sa ating buhay. Madama nawa nila si Jesus sa ating pagkilos at pag-iisip. Katulad ni San Pablo, maaari na nating sabihing hindi na tayo kundi si Kristo ang totoong umiiral sa buhay natin.
Thursday, May 05, 2011
Ang Dapat Umiral sa Atin
Labels:
Kristiyanismo,
Kristo,
Pasko ng Muling Pagkabuhay,
Simbahan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment