Powered by Blogger.

Wednesday, March 07, 2012

Ang Nararapat Nilang Kalagyan


Puno ng mga makulay na kuwento ang mga Ebanghelyong mababasa ngayong Kuwaresma, lalo na sa mga huling linggo nito. Hindi kumpleto ang Kuwaresma kung wala ang mga istorya gaya ng babaeng nahuling nangangalunya (Juan 8:3-11); babaeng Samaritana (Juan 4:4-26), pagbuhay kay Lazaro (Juan 11:1-45), pakikipagkita ni Jesus sa mga babaeng taga-Jerusalem (Lukas 23:27-28), at ang pagpapaubaya ni Jesus ng Kanyang ina kay Juan (Juan 19:26-27).

Sa mga istoryang ito, makikita natin kung paano nakitungo si Jesus sa mga kababaihan. Isang pakikitungong puno ng pagmamahal, paggalang, pagmamalasakit, at pagpapahalaga. Kung susuriin natin ang mga Ebanghelyo, bagama’t madalas na mga kalalakihan ang kasakasama ni Jesus, matutunghayan ang papel na ginampanan ng ilang kababaihan sa kanilang grupo.

Sa mga lipuna’t kulturang tumuturing sa mga kababaihan bilang ‘second class citizen’, sa mga taong ang tingin sa mga babae’y ‘para sa bahay lamang’, nagsisilbing isang matinding hamon ang magandang pagtrato sa kanila ni Jesus. Isang hamon na nagbibigay-daan sa pagbabago ng kaisipan hinggil sa pantay na karapatan sa pagitan ng kalalakiha’t kababaihan.

Sa ngayon, kitang-kita natin ang kababaihan sa iba’t ibang larangan ng lipunan: edukasyon, pulitika, pagnenegosyo, medisina, agham at teknolohiya, pakikipagtalastasan, batas, atbp. At kahit ang Simbahang Katolika na pawang pinamumunuan ng mga kalalakihan ay mayroong espesyal na debosyon sa Birheng Maria. Kapansin-pansin din ang malusog na paglahok ng mga babae sa sari-sari nitong ministeryo.

Marami pang posibleng gawin upang lalo pang makilala’t mapahalagahan ang papel na ginagampanan ng kababaihan sa ating paligid. Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ngayong ika-8 ng Marso, sikapin nating tularan si Jesus sa Kanyang pakikipag-ugnayan sa kababaihan. Gamitin natin ang Kanyang aral para makalaya sila sa mga mali’t di makatarungang istruktura’t pananaw. Ipalaganap natin ang Kanyang aral para maging bukas ang mga sektor at kulturang salungat sa patas na karapatang pantao ng magkaibang kasarian.

Ibigay natin sa kababaihan ang nararapat nilang lugar sa lipunan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP