Powered by Blogger.

Monday, April 01, 2013

Sa Mga Tamang Kamay Lang

 
Matapos ang botohan sa Roma para sa bagong papa, humaharap naman ang Pilipinas sa paghalal ng mga senador, kongresista't mga lokal na opisyal.  Parang kailan lang nang bumoto ang mga mamamayan para sa mga pambansa't lokal na pamahalaan. 
 
Mainam na magbalik-tanaw ang mga botante at mag-usisa:
 
1. Dama ba ng bansa ang pagbabago't pag-unlad na ipinangako ng mga lider na ngayo'y tatakbong muli sa halalan sa Mayo? 
 
2.  Nagpakita ba ng magandang halimbawa ang mga kandidatong ito sa uri ng kanilang pamumuhay at pakikisalamuha sa mga tao lalo na sa kanilang mga kasambahay, mga kasamahan sa trabaho't mga kapus-palad?
 
3.  Nasasalamin ba sa kanilang buhay ang pag-ibig at katarungan ng Diyos?
 
4.  Nakikita ba sa kanilang pananalita, pagkilos, at pag-iisip ang hangarin at katapatang maglingkod sa bayan?
 
5.  Nauunawaan ba natin ang mensahe sa likod ng mga slogan ng mga kandidato o madali tayong nagpapakuha sa kanilang matatamis na bibig?
 
6.  Dapat bang ihalal ang mga kandidatong napatunayang nangurakot sa gobyerno?
 
7.  Kailangan bang ihalal sa puwesto ang isang kandidatong may kamag-anak nang nasa ganoon ding puwesto, gaya halimbawa sa Senado't Mababang Kapulungan ng Kongreso?
 
Marami pang tanong ang posible nating ipukol sa ating sarili o sa ating mga kababayan.  Mahalagang sa mga pag-uusisang ito, magkaroon ng isang malusog na palitan ng kuru-kuro upang makapamili tayo ng mga nararapat na lider. Higit sa lahat - kagaya ng mga kardinal na nakiisa sa botohan sa Roma noong isang buwan - kailangan nating manalangin, makinig, at sumunod sa paggabay ng Banal na Espiritu. 
 
Minsan nang sinabi ni Jesus kay Poncio Pilato na galing sa Ama ang lahat ng kapangyarihang taglay ng ating mga lider.  Kung gayon, siguraduhin nating mapunta ito sa mga tamang kamay.
 
 
 
 

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP