Isa sa mga tampok na Ebanghelyo noong isang buwan ang Talinhaga ng Maghahasik (Mateo 13:1-23). Sa kuwentong ito, sinabi ni Jesus na may mga binhing napunta sa daanan sa mabatong lupa, sa mga tinik, at sa matabang lupa. Pagtuunan natin ng pansin ang mga binhing nasa mabatong lupa. Sang-ayon sa Ebanghelyo, agad silang sumibol dahil di malalim ang lupa. Sa kasamaang-palad, di sila nagtagal dahil sa matinding sikat ng araw.
Kamakailan pinuri ng ating mga obispo ang pananampalataya ng mga layko, subalit kanila ring binigyang-pansin ang dalawang punong kakulangan ng ating pananampalaya: kakulangan sa kaalaman at kawalan ng kaugnayan sa ating pamumuhay.
Sa kabila ng tila buhay na buhay nating mga liturhiya at pamimintuho sa Panginoon at mga banal, mapupuna pa rin ang kawalan nating ng kaalaman sa ating pananampalataya. Isa nang pruweba nito ang biglaang paglusob ng ilang mga deboto sa rebulto ng Nazareno habang nagmimisa sa Quirino Grandstand noong Enero . Isa pang halimbawa ay ang pagpapapako sa krus ng ilan nating kababayan tuwing Mahal na Araw sa pag-aakalang maaalis nito ang anumang pagkakasala nila.
Sa kabila ng ating pagpapakilala bilang mga Katoliko sarado, tila kapag Linggo o kung nasa loob lamang ng simbahan natin ito ipinapakita. "Hanggang sa balat lang", 'ika nga. Matapos isagawa ang ating 'obligasyon' sa Diyos, balik na naman tayo sa ating dating ugali.
Tayo'y tulad ng mga binhing nahulog sa mabatong lupa. Wala tayong masyadong ugat kaya't madali nating tinatanggap ang Salita ng Diyos, AT madali din natin itong isinusuko kapag naaakit na tayo ng ibang sekta o kulto o ng anumang tukso sa ating paligid.
Kailan natin huling binasa ang Bibliya o ang Katesismo? Kailan tayo huling dumalo sa anumang seminar o rekoleksyon sa ating parokya? Ito na marahil ang pagkakataon para muli nating kilalanin at palalimin ang ating pananampalataya. Mayroon bang tila malabo sa aral ni Kristo? Huwag natin itong sarilinin. Makipag-ugnayan sa ating kura-paroko o katekista.
Kailan natin huling nilangkapan ng Kristiyanong pagmamahal ang ating pakikitungo sa pamilya, kapitbahay, kasamahan, o mga istranghero? Sa mga sigalot sa tahanan o pamayanan, kailan natin huling kinilala't tinawag ang biyaya ni Jesus? May puwang pa ba ang mga turo ng Panginoon sa ating negosyo, sa ating pangangalaga sa kapaligiran, at sa ating pakikilahok sa pagpuksa ng kahirapan at kawalan ng katarungan?
Sinasabing ang pagkilala sa ating pananampalataya ay hanggang magpantay ang ating mga paa. Hilingin natin sa Banal na Espiritu na patuloy Niya tayong samahan, patatagin, at patapangin. Kung ang bawat isa sa atin ay magiging bukas sa Kanyang kapangyarihan, tayo'y matutulad sa mga binhing nahulog sa matabang lupa na nakinig at nakaunawa sa Salita ng Diyos at naging mabunga.

No comments:
Post a Comment