Mula ika-5 hanggang ika-19 ng Oktubre ng kasalukuyang taon, magtitipon sa Vatican City ang ilang piling obispo mula sa iba't ibang bansa para sa III Extraordinary Assembly of the Synod of Bishops. Bunsod ito ng panawagan ni Papa Francisco noong isang taon upang konsultahin ang mga obispo tungkol sa pamilya at ebanghelisasyon. Bukod sa mga obispo, mayroon ding mga layko na inanyayahang lumahok sa nasabing sinodo. Sa pagtitipong ito, inaasahang makilala ang tunay na kalagayan ng pamilya at ang mga hamong hinaharap nito. Magkakaroon din ng Ordinary Assembly of the Synod of Bishops mula ika-4 hanggang ika-25 ng Oktubre 2015 upang makapagbalangkas ang mga obispo ng planong pastoral kung paano nila matutugunan ang mga hamong nakilala nila sa sinodo ng 2014.
Marami na ring pinagdaanang pagbabago ang pamilya. Hindi tulad noong unang panahon na ang ama lang ang naghahanap-buhay samantalang nasa bahay lang ang ina para mangalaga sa mga anak. Sa ngayon, kapwa nagtatrabaho na ang mag-asawa dahil sa hirap ng buhay. May mga pamilya rin na wala ang isang magulang dahil naghahanap-buhay siya sa ibang bansa. Mayroon ding mga mag-anak na magkahiwalay na ang magulang. Mayroon din namang nagsasama ang magulang na walang basbas ng Simbahan dahil sa masalimuot na annulment process. At mayroon din namang nagsasamang kapwa lalaki o kapwa babae na may isa o higit pang ampong bata.
Hindi pa nagsisimula ang sinodo, naging mainit nang usapin ang ideya ni Kardinal Walter Kasper na payagan nang tumanggap ng Banal na Komunyon ang mga indibidwal na mayroon nang kinakasama kahit 'di pa napapawalang-bisa ang kanilang unang kasal. Mayroong mga sumasang-ayon dito, pero mayroon ding mga hindi, kabilang ang ilang kilalang kardinal gaya nina George Pell at Gerhard Muller.
Nagkataon na ang sinodo ay magaganap sa buwan ng Banal na Rosaryo. Minsan nang winika ni Fr Patrick Peyton na ang pamilyang magkakasamang nagdarasal ay mananatiling magkakasama. Sa pagtititipon ng mga mag-anak para dasalin ang napakagandang debosyong ito, mainam na alalahanin natin ang magaganap na sinodo. Sa tulong ni Maria, Birhen ng Banal na Rosaryo at Reyna ng mga mag-anak, maging bukas nawa sa inspirasyon ng Espiritu Santo ang lahat ng sangkot sa sinodo. Maging bukas din nawa sila sa tunay na diyalogo.
Mahalaga ng pamilya sa mata ng Diyos, kaya nga't nang magkatawang-tao si Kristo, pinili Niyang maging bahagi nito. Paigtingin pa nawa ng Simbahang itinatag Niya ang wasto't nararapat na pangangalaga dito.

No comments:
Post a Comment