Sa Banal na Kasulatan, ilang ulit na binabanggit ang pinto. Sa Mga Awit (24:7), inuutusan diumano ng may-akda ang mga lumang pinto na magbukas upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian. Sa Ebanghelyo ayon kay Mateo (7:7), hinikayat ni Kristo ang Kanyang mga tagasunod na kumatok at sila'y pagbubuksan.
Isang awiting pang-Komunyon na inaawit kapag Adbiyento ay may mga titik na ganito: Ako ay nasa pintuan tumutuktok, naghihintay. Kung ako'y pagbibigyang makapasok sa tahanan, kayo'y aking sasaluhan, kayo'y aking sasaluhan. Ako ay nasa pintuan tumutuktok, naghihintay. Hango ang awiting ito mula sa Aklat ng Pagpapahayag (3:20) kung saan inilalarawan ni Jesus ang Kanyang hangaring makatuloy sa sinumang tahanang Kanyang tapatan.
Tumutuktok, naghihintay. Ipinapahiwatig ng mga katagang ito ang pagiging banayad at matiyaga ng Panginoon. Hindi sumusugod at namimilit kagaya ng mga masasamang-loob (Juan 10:1-42).
Tumutuktok, naghihintay. Ipinapahiwatig din ng mga salitang ito ang pananaghoy ng mga dukha, ng mga may-sakit, ng mga nangangailangan, ng mga kinikilala ng Panginoon na mga kaawa-awa Niyang mga kapatid (Mateo 25:40).
Tumutuktok, naghihintay. Ang pagtugon sa pangangatok ni Kristo ay nasa sa atin. Gagayahin ba natin ang mga nakapinid na pinto sa Bethlehem noong unang Pasko?
Buksan nawa natin ang pinto ng ating mga puso't tahanan kay Kristo sa bawat sandali lalo na sa Kanyang kaarawan. Tularan nawa natin ang ama ng Alibughang Anak (Lukas 15:11-32) na laging nakabukas ang kanyang pinto nang sa gayon, madaling makapasok dito ang kanyang anak sa pagbabalik nito (Evangelii Gaudim, 45).
Isang pinagpalang Pasko at masaganang Bagong Taon sa inyong lahat!

No comments:
Post a Comment