Powered by Blogger.

Wednesday, June 03, 2015

Personal na Pakikipagkita


Sa Katesismo ng Simbahang Katolika, sinasabing nilikha tayo ng Diyos upang makilala, mahalin, at maglingkod sa Kanya. Imposible para sa ating mga tao ang magmahal at maglingkod sa sinuman - Diyos man o tao - nang hindi muna natin sila nakikilala. At ang pagkilalang ito ay nagsisimula sa pamamagitan ng pakikipagkita.

Sa kasaysayan ng mga alagad ng Panginoon, naging masusi ang kanilang pakikipagkita sa Panginoon.  Makulay, halimbawa, ang pakikipagkita ni Pedro kay Kristo. Sang-ayon sa Ebanghelyo ni San Lukas (5:3-9), matapos sumakay sa bangka ni Pedro, inutusan siya ni Kristo na mangisda. Nang mapagmasdan ni Pedro kung gaano karami ang kanilang nahuling isda, kinilala niya si Kristo bilang Panginoon. Kinilala din niya na hindi siya karapat-dapat sa Panginoon dahil sa kanyang mga kasalanan. 

Subalit, hindi pinansin ni Jesus ang pagiging hindi karapat-dapat ng mangingisda; hinirang pa Niya itong maging alagad Niya! Sang-ayon nga kay Pope Francis, hindi ang mga karapat-dapat ang hinihirang ng Diyos; pinapaging-dapat niya ang Kanyang mga hinihirang. Mayroon pang ibang mga alagad kagaya nina Mateo at Pablo na nabago ang takbo ang buhay dulot ng pakikipagkita nila kay Jesus. Mula sa kanilang pakikipagkita, umusbong ang kanilang pag-ibig sa Panginoon sa siya namang nagbigay-sigla sa kanilang maglingkod sa Kanya hanggang sa huling patak ng kanilang dugo.

Hindi man natin nakita ang Panginoon, mahalagang magkaroon din tayo ng personal na pakikipagkita sa Kanya - sa Misa, sa ating mga debosyon, sa ating pakikisalamuha sa iba lalo na sa mga dukha. 

Mapalad ang Pilipinas dahil malaya tayong makakapagpahayag ng ating pananampalataya. Puno ang mga simbahan sa mga Misang ipinagdiriwang oras-oras tuwing Linggo. Subalit dumaranas ang Simbahan ng kakulangan sa mga pari at relihiyoso. Sa Archdiocese of Manila naglilingkod ang isang pari sa 20,000 mananampalataya.

Sa ganang amin, isang hamon sa mga magulang, lider-Simbahan, at iba pang nakatatanda na hubugin ang mga kabataan sa pananampalatayang Kristiyano dahil kung ipagwawalang-bahala ito, paano pa makikilala ng mga kabataan ang Panginoon? Paano pa nila Siya matututuhang ibigin? Paano pa nila Siya mapaglilingkuran? Sino pa ang pupuno sa kakulangan sa pagpapari at buhay-relihiyoso?

Ipanalangin natin na sa kabila ng samu't saring pinagkakaabalahan ng mga kabataan - mabuti man ito o masama - magkaroon ng malaking puwang si Jesus sa kanilang puso. Nang sa gayon, makapagdesisyon sila nang bukal sa kalooban: "Oo, magpapari ako. Oo, magmamadre ako. Para kay Kristo!". 









No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP