Galit na naman si Digong. Sa kanyang pakikipanayam sa mga naulilang pamilya ng 44 na kasapi ng Special Action Force (SAF), ibinulalas na naman ng pangulo ang kanyang pagkamuhi sa Simbahang Katoliko at inilarawan itong puno ng kabulukan at baho. Hinamon niya pang magbitiw sa puwesto ang mga obispo. Bukod dito, inakusahan niya pang may dalawang asawa ang isang retiradong obispo.
Hindi maipagkakaila na sa kasaysayan ng Simbahan nandiyan si Judas Iscariote, ang alagad na nagkanulo kay Kristo sa halagang 30 pirasong pilak. Nandiyan din si Pope Alexander VI, isang kontrobersiyal na papang kilala sa pagkakaroon ng mga anak mula sa iba't ibang kerida at sa nepotismo sa pamamahala ng Simbahan. Nandiyan din ang mga pang-aabusong sekswal ng ilang kaparian. May kabulukan at baho ang Simbahan. Sa kabila ng mga iskandalong ito, ang Simbahan ay patuloy na tinatawag at tumutugon na maging banal dahil si Kristong nagtatag at nagligtas sa kanya ay banal.
Sa ganang amin, hindi kami sang-ayon sa mga pahayag ng pangulo. Unang-una, wala sa tamang lugar at oras ang pambabatikos niya sa Simbahan. Ano ang relasyon ng Simbahan o ng mga obispo sa isang pagtitipon para alalahanin ang mga yumaong kasapi ng SAF?
Pangalawa, hindi angkop sa isang pinuno ng bansa ang ganitong uri ng pananalita. Hindi dahilan ang galit para magbulalas ng saloobin. Bakit hindi niya harapin ang mga obispo? Itinuro ni Kristo na kung may kapatid tayong nagkasala kailangan natin silang harapin, hindi batikusin sa publiko.
Pangatlo, bilang ama ng bayan, mahalagang pagbuklurin ni Duterte ang lahat para sa ikakaganda ng Pilipinas. Sa mga ikinikilos at pinagsasabi ng pangulo - hindi lamang sa Simbahan kundi sa iba pang grupo o personalidad na hindi sumasalungat sa kanyang mga adhikain - lalong mawawatak ang bansa.
Ang galit ay parang lason. Kung magpapaalipin tayo dito, tiyak na lalasunin nito ang sistema natin. Ibubulalas natin ang ating galit nang walang konsiderasyon sa ating kapwa. Gagawa tayo ng mga hakbang na marami ang masasaktan. Ipanalangin nating maliwanagan ng pag-iisip ang ating pangulo. Sinasabing inabuso siya diumano ng isang pari noong kabataan niya. Kung totoo man ito, maranasan nawa niya ang paghilom sa sugat na dulot ng masaklap na karanasang ito. Ipanalangin din natin na manatiling matatag at tapat ang Simbahan sa kanyang pakikibaka sa mga pag-uusig at kasamaan sa mundo.

No comments:
Post a Comment