Ipinasara ni Pope Francis ang mga bukal sa paligid ng Batikano sa gitna ng tagtuyot na kasalukuyang dinaranas ng Roma at ng iba pang bahagi ng Italya. Napabalita diumanong bumaba nang matindi ang reserbang tubig ng Roma bunsod ng kakulangan sa ulan noong Hunyo at Hulyo. Dumanas rin ang Italya ng pinakatuyong tagsibol sa loob ng 60 taon. Upang maiwasan ang isang trahedyang pangkapaligiran, bawal nang kumuha ng tubig sa Lawa Bracciano mula sa ika-28 ng Hulyo.
Maituturing ang ginawang hakbang ng Papa bilang una sa kasaysayan ng Roma. Bahagi na ng mga pook pasyalan ang mga nasabing bukal hindi lamang sa pagiging antigo at may magagandang disenyo. Ang ilan dito ay mapagkukuhanan rin ng tubig na pampatid-uhaw ng mga turista lalo na sa panahon ng tag-araw.
Ipinaliwanag ni Greg Burke, tagapagsalita ng Batikano, na ang pasya ng Papa ay naaayon sa kanyang pananaw sa ekolohiya: hindi ka maaaring magsayang at minsan ay kailangan mo ring magsakripisyo.
Dalawang taon na ang nakakalipas ng isulat ni Pope Francis ang kanyang ikalawang ensiklikal na pinamagatang Laudato si. Sa nasabing dokumento, pinuna ng Papa ang konsumerismo at iresponsableng pagpapaunlad ng ilang mga bansa, itinaghoy niya ang pagbagsak ng kapaligiran at pag-init ng daigdig, at nanawagan siya sa lahat na gumawa ng mabilis at nagkakaisang hakbang para mapangalagaan ang daigdig.
Sa ating maliliit na paraan, maaari rin tayong makapag-ambag para mapangalagaan ang ating kapaligiran. Sinasabing ang tubig ay buhay. Samakatuwid, mahalagang gamitin ito nang wasto. Imbis na gumamit ng hos sa pagdilig ng mga halaman o paglinis ng kotse, bakit hindi na lang gumamit ng lagadera o balde? Imbis na maligo sa bath tub, bakit hindi na lang gumamit ng shower o tabo? Imbis na itapon na lang sa lababo ang pinaghugasan ng bigas, bakit hindi ito gamiting pandilig ng halaman? Maraming paraan ang sinumang may malasakit.
Ang hakbang ng Papa ay pagsasabuhay ng Laudato si. Kakaibang-kakaiba sa ginawang pag-urong ni Donald Trump, pangulo ng isang makapangyarihan at mariwasang bansa, sa Paris Agreement 2015.

No comments:
Post a Comment