Sa kanyang huling pambungad na pananalita bilang pangulo ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), binigyang-diin ni Archbishop Socrates Villegas ang tatlong mahalagang aral na natutuhan niya sa loob ng apat na taong panunungkulan: lawak ng pag-iisip, lakas ng loob, at bukas-palad.
Ginunita ni Villegas ang sari-saring okasyon kung saan ipinamalas ng mga CBCP ang tatlong aral na ito, kagaya ng paglindol at ang pananalanta ng bagyong Yolanda sa Kabisayaan noong 2013, ang pagdalaw sa bansa si Pope Francis noong 2015, ang pagdaraos ng International Eucharistic Congress sa Cebu noong 2016, atbp.
Kung nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang administrasyong Aquino at ang CBCP, lalo pa itong lumala nang mahalal si Rodrigo Duterte. Sinalubong ni Duterte ng batikos ang anumang panawagan ng mga obispo. Tinawag pa niya silang isang kumpol ng mga ipokrito. Bukod dito, kung anu-anong pekeng balita ang kumalat sa social media laban kay Villegas at mga kasamang obispo. Sang-ayon na rin kay Villegas, sa kabila ng hindi magandang pagtrato sa kanila, pinili pa rin ng mga obispo na umangat.
Ang talumpati ni Villegas sa kanyang mga kapwa-obispo ay panawagan rin sa iba pang kaanib ng Simbahan. Ito ay panawagan sa atin. Sa ating pagsasabuhay ng ating pananampalataya may mga tao, gawi, o sistemang hihila sa atin pababa. Paano tayo aangat?
Una, kailangan nating ng malawak na pag-iisip. Hindi katanggap-tanggap ang maging makitid ang pag-iisip, ang mag-akalang tayo lang ang tama. Sa ating mga parokya, nakikinig pa rin ba tayo sa magkakaibang mga pananaw nang may paggalang at pag-ibig o tutulad na rin tayo sa mga nanunuligsa sa sinumang sumasalungat sa kanila?
Pangalawa, kailangan natin ng lakas ng loob. Bahagi na ng buhay-Kristiyano ang humarap sa anumang uri ng pag-uusig. Alam ng ating mga obispo na lumang tugtugin na ang pang-uusig na ginagawa sa kanila dahil nangyari na rin ito noong panahon pa ni Kristo at ng mga unang mananampalataya. Sa ating mga sariling pamayanan, hindi maiiwasan ang intriga. Kaya ba nating sikmurain ang mga pamumuna at mga tsismis matupad lamang ang kalooban ng Diyos?
Pangatlo, kailangan nating maging bukas-palad. Ipinaliwanag ni Villegas na tanging sa pagiging bukas-palad lamang tayo makakapagpadama ng pag-ibig. Gaano nga ba kabukas ang ating mga palad sa mga taong nasa paligid natin? Sa mga maralita sa ating parokya? Sa mga proyekto sa ating sambayanan? O madalas bang nakasara ang ating mga palad? Pinapaalalahanan tayo ng butihing arsobispo na hindi nagmamahal ang nakasara ang palad. Nakakasakit at nakakasugat lamang ito.
Nagpapasalamat kami kay Archbishop Villegas sa kanyang tapat na paglilingkod bilang pangulo ng CBCP. Dalangin namin na patuloy siyang patnubayan ng Poong Maykapal bilang pastol ng Kanyang kawan. Nakikiisa rin kami sa pagbati at pagdarasal kay Archbishop Romulo Valles, ang bagong-halal na pangulo ng nasabing kapulungan. Gabayan nawa siya, ang kanyang mga kapwa-opisyal, at ang lahat ng mga obispo sa kanilang panunungkulan sa sambayanang Pilipino.

No comments:
Post a Comment