Powered by Blogger.
Showing posts with label kaparian. Show all posts
Showing posts with label kaparian. Show all posts

Friday, June 23, 2017

Kuwento ng Dalawang Diyosesis



Hindi maitatanggi na may mahalagang papel na ginagampanan ang kaparian sa Simbahan. Sa lokal na Simbahan, kaakibat sila ng obispo para sa maayos at makabuluhang pangangalaga sa sambayanan ng Diyos. 

Nakatawag-pansin ang istorya ng dalawang diyosesis kung saan nag-aklas ang mga kaparian laban sa kanilang obispo.

Sang-ayon sa Ucanews.com,  69 na pari sa Diyosesis ng Ruteng (Indonesia) ang nagbitiw sa kanilang puwesto bilang episcopal vicars o kura-paroko dahil sa paglulustay diumano ni Bishop Hubertus Leteng ng pondong pansimbahan. Nanawagan sila sa obispo na linisin ang pamamahala sa diyosesis. Sinabi ng Fr Marthen Chen na kailangang-kailangan ang paglilinis sa pamamahala ng diyosesis upang ang Simbahan ay makasunod sa paggabay ng Espiritu Santo. 

Nagbitiw ang mga pari dahil hindi nila nakamit ang inaasam nilang diyalogo sa obispo. Sang-ayon sa kanila, palihim na humiram si Leteng ng $94,000 mula sa Indonesian Bishops' Conference at $30,000 mula sa diyosesis, subalit hindi nakapagbigay ng pag-uulat kung saan napunta ang kanyang inutang.  Sa isang pagpupulong, ipinaliwanag ni Leteng na ginamit ang pera bilang pangmatrikula ng isang mahirap na kabataang nag-aaral maging piloto sa Amerika. Nang magtanong ang mga pari ng karagdagang detalye, sinabi diumano ng obispo na wala na silang pakialam dito. Nagsususpetsa ang mga pari na may babae si Leteng, ngunit pinabulaanan ito ng obispo. Noong nakaraang taon, 112 sa 167 na pari ng diyosesis ang lumagda sa liham na nagpapahayag ng "no confidence" kay Leteng. Kasalukuyang nakahain ng kanilang hinaing kay Archbishop Antonio Guido Filipazzi, Apostolic Nuncio sa Indonesia. 

Samantala, sa Diyosesis ng Ahiara (Nigeria), patuloy pa rin ang pagpoprotesta ng mga kaparian laban sa paghirang kay Msgr. Peter Ebere Okpaleke bilang obispo. Nagsimula ang protesta noong 2012 nang hirangin ni Pope Benedict XVI si Okpaleke. Bunsod diumano ng pagpoprotesta ang pagiging dayuhan ni Okpaleke. Hanggang ngayon, hindi pa rin nakakaupo sa puwesto ang obispo. Umabot na mismo kay Pope Francis ang sitwasyong ito kung kaya sumulat na siya sa mga pari sa nasabing diyosesis at inutusan silang sulatan siya para humingi ng tawad sa sinapit ng diyosesis, ipahayag ang kanilang kumpletong pagsunod sa Papa, at ipahiwatig ang kanilang pagtanggap sa sinumang obispong iaatas sa kanila ng Papa.  Binigyan ng Papa ang mga pari hanggang ika-9 ng Hulyo 2017 para isumite ang kanilang mga liham. Nagbabala siya na masususpinde ang sinumang hindi tumalima sa kanyang utos. Inamin ng Papa na hindi madali ang hakbang na ito, subalit kailangan niyang gawin dahil naiiskandalo ang sambayan ng Diyos at dapat harapin ng sinumang nagdudulot ng iskandalo ang karampatang parusa.

Sang-ayon kami sa sinabi ng Papa na dapat managot ang sinumang nagdudulot ng iskandalo sa sambayanan. Mahalagang magkaroon ng masusi at patas na imbestigasyon hinggil sa alegasyon laban kay Leteng. Ang pag-aakusa ng paglulustay ng pondo ng isang lider gaya ng obispo ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Kung totoo man ito, nakakasira ito sa moral ng mga taong nasa kanyang pangangalaga. Isa itong palasong patuloy na umuulos sa Puso ng Panginoon.

Mahalaga rin ang pagiging bukas ng mga pari sa Ahiara sa kapwa-Kristiyano, kahit hindi nila ito katribu.  Kung tribu ang paiiralin ng mga pari, isinasara na nila ang Simbahan sa iba. Ang pagkakanya-kanya ay malaking tinik sa Puso ni Kristong naging bukas sa lahat.

"Ang kaparian ay ang pag-ibig ng Puso ni Jesus", sabi ni St John Vianney. Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Puso ni Jesus, na siya ring Pandaigdigang Araw ng Panalangin sa Ikapagbabanal ng mga Pari, dalangin naming sa kabila ng mga pagsubok ay madiskubre muli ng mga pari ang kanilang bokasyon.  Sa mga pari sa Ruteng at Ahiara (kasama na dito ang kanilang mga obispo), pangunahan nawa sila ng pag-ibig ng Puso ni Kristo para makamit ang kinakailangang kaayusan sa kani-kanilang sambayanan at ang kabanalang iniaalay ng Panginoon sa sinumang susunod sa Kanyang landas.

Wednesday, November 11, 2015

Amoy-tupa

Sa isang rekoleksyon na ginanap sa isang sikat na pamantasan sa Kamaynilaan, pabirong tinanong ng pari ang kanyang mga tagapakinig.  "Bakit hindi pastor ang tawag sa paring Katoliko?" Walang nakasagot, kung kaya sinabi niya "Papayag ba kayong tawaging tupa?"

Samantala, sa kanyang unang Misa ng Krisma bilang papa, hinimok ni Pope Francis ang kaparian na maging mga pastol na may amoy ng kanilang tupa.  

Mapapasaatin lamang ang amoy ng anumang bagay (o tao) kung lalapit tayo dito. Mangangamoy ulam lamang tayo kung malapit tayo sa ulam na iyon, halimbawa sa pagluluto o pagkain nito. Mangangamoy sigarilyo lamang tayo kung humihithit tayo nito o may katabi tayong naninigarilyo.  Sa sitwasyon ng mga pari, mangangamoy tupa lamang sila kung magiging malapit lamang sila sa kanilang kawan.

May mga paring marunong makisama't makiramay sa ibang tao, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay. Maaalala ang tulad ni San Carlos Borromeo. Bagamat nanggaling sa marangyang angkan, pinili ni Carlos na maging pari at ibinuhos ang kanyang oras sa pagtulong sa mga sinalanta ng salot sa Italya noong 1570. Sinasabing naglalakad siya sa lansangan nang nakayapak, pasan ang krus, at may tali sa kanyang leeg - mga tanda ng pag-aalay ng kanyang sarili bilang pagbabayad-puri sa sa mga kasalanan ng kanyang sambayanan. Siya iyong masasabi nating pastol na amoy-tupa. 

Subalit mayroon din namang mga paring malayo sa kanilang kawan. May mga paring naging sangkot sa pang-aabusong sekswal o sa paggamit ng pondo ng Simbahan para sa pansariling kapakanan. Mayroon ding mga paring hindi pastol kundi hari ang tingin sa kanilang sarili. 

Pari man o hindi, importanteng sangkap ng buhay-Kristiyano ang pagmamahal.  Kung wala ito, imposible tayong maglingkod.  Ipanalangin nating mapuspos ng pagmamahal ng Diyos ang lahat ng pari upang tapat nilang masamahan at pasiglahin ang pag-asa ng kanilang kawan. Na ang tunay na ligaya ng kanilang bokasyon ay matatagpuan lamang sa kanilang pagiging amoy-tupa.  










Thursday, August 01, 2013

Simple at Kapanipaniwalang Pinuno



Kababalik lamang ni Pope Francis mula sa Brazil kung saan nakiisa siya sa pagdiriwang ng World Youth Day.  Kapansin-pansin ang itim na bag na dala niya nang bumaba siya mula sa eroplano at nang lumulan siya uli dito.  Sa kanyang panayam sa mga mang-uulat habang lulan sa eroplano, ipinaliwanag niyang normal lamang sa kanyang magdala ng bag kung may pupuntahan siya, gaya ng sinuman. 

Mula pa noong ipakilala siya sa buong mundo bilang bagong pinuno ng Simbahang Katolika, nakita na ang kanyang payak na pamumuhay.  Di niya isunuot ang pulang kapa gaya ng mga nauna sa kanya.  Sulit na sa kanya ang puting sutana.  Inayawan din niya ang tradisyunal na pulang sapatos, ang gintong pectoral cross at singsing, ang Mercedes Benz, at ang pagtira sa papal apartments. 

Bago pa man siya inihalal na humalili kay Benedict XVI, namuhay na nang payak ang Banal na Papa.  Imbis na tumira sa malapalasyong tirahan ng arsobispo, minabuti niyang manirahan sa mas simpleng bahay kung saan siya mismo ang nagluluto ng kanyang sariling pagkain.  Imbis na may kotse't tsuper, sumasakay siya ng tren. 

Sa kulturang may (sobrang) taas na pagtingin sa mga pari't iba pang lider ng Simbahan (sa puntong ang iba sa ati'y halos tratuhin na silang mga amo o diyos), isang bagong tugtugin ang ipinapakita ng Papa.  Napuna ninyo bang di niya ginamit ang salitang "Papa" kundi "Obispo ng Roma" sa kanyang unang panayam sa mga tao noong siya'y ibinoto? Napansin din ninyo siguro na humingi muna siya ng panalangin sa lahat bago niya iginawad ang kanyang unang bendisyon bilang Papa?

Sa mga pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang obispo't pari na nababalitaan natin, isang bagong pag-asa ang dala ng magandang halimbawa ng Papa. Maaalalang minsan sinabihan ni Pope Francis ang mga pari't madre na huwag gumamit ng mga magagarbong kotse.  Pinaalalahan din niya ang mga paring nag-aaral na maging embahador ng Simbahan na huwag ituring na isang karera ang kanilang tungkulin, kundi isang serbisyo sa sambayanan.

Sa bansang kitang-kita ang puwang sa pagitan ng mayama't dukha, isang seryosong pag-uusisa sa ating mga sarili kung ano ba ang ginagawa natin para sa mga maralita. Di man natin kayang puksain ang kahirapan, subalit sa pamumuhay nang simple, mas madarama ng mga kapus-palad na nakikiisa tayo sa kanilang abang kalagayan. 

Ang kapayakapan ni Pope Francis ay salamin ng kapayakan ni Kristong di namuhay nang marangya, na nangaral at nakiramay sa lahat ng tao nang walang sinisino.  Dalangin namin na patuloy na maging mapagkumbaba ang Papa at ang iba pang lider ng Simbahan upang lalo pa silang maging kapanipaniwala sa pagsaksi sa pagmamahal at pangangalaga ni Kristong Mabuting Pastol. 






Thursday, February 28, 2013

Sakit ng Kalamnan


Nabigla ang marami sa pagbibitiw ni Pope Benedict XVI noong Pebrero.   Di pangkaraniwan sa isang papa ang bumaba sa puwesto - nangyari ang ang huling pagbibitiw anim na siglo na ang nakakalipas.  Ganoon pa man, nasasaad sa Canon Law, ang batas ng Simbahan, na maaaring magbitiw ang papa nang bukal sa kanyang kalooban.
Maigsi ang halos walong taong panunungkulan ni Benedict XVI at, sa ganang amin, di maaaring ihambing sa administrasyon ng yumaong Blessed John Paul II.  Subalit, sinikap ni Benedict XVI na ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang pagdalaw sa ibang bansa, sa kanyang pagsusulat ng mga encyclicals at mga aklat, sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng ibang relihiyon, at sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga naging biktima ng mga pang-aabusong sekswal  na kinasangkutan ng ilang paring Katoliko.
Maituturing na isang malaking dagok sa panunungkulan ni Benedict XVI ang iskandalong dulot ng pang-aabusong sekswal ng mga pari.  Dahil na rin sa kapangyarihan ng media, unti-unting naglilitawang parang kabute ang mga alegasyon laban sa mga alagad ng Simbahan - mga alegasyong tila pinagtatakpan ng ilang mga obispo at ng Roma subalit kinilala ni Benedict XVI na totoong nangyari sa Simbahan.  Sinasabing gumawa siya ng mga hakbang para mag-imbestiga noong Prefect for the Doctrine of the Faith pa siya subalit hinarang ito ni Pope John Paul II. 
Ilang araw bago bumababa sa puwesto si Benedict XVI, napabalita ang pagbibitiw ni Cardinal Keith O'Brien, Arsobispo ng Saint Andrews and Edinburgh (Scotland) sa gitna ng alegasyong gumawa siya ng mga di kanais-nais na pagkilos sa ilang pari sa kanyang arkidiyosesis noong dekada 80. Minabuti rin ni O'Brien na huwag lumahok sa botohang mangyayari sa Roma, isang bagay na iginigiit ng ilang sektor na gawin ng iba pang mga kardinal na naging sangkot sa ganitong mga alegasyon - direkta man o hindi.
Isang malalim at mahapding sugat sa Simbahan ang pagkakasangkot ng mga itinuturing na mga ama't pastol ng kawan sa pang-aabusong sekswal.  Bagay na mamanahin ng sinumang papalit kay Benedict XVI.  Mahalagang kilalanin at huwag pagtakpan ang mga alegasyon ito dahil "Ang sakit ng kalamnan ay sakit ng buong katawan." Kailangang ipayoridad ng bagong halal na papa ang isyung ito. Higit itong importante kaysa sa pagbabalik ng Tridentine Mass bilang ektraordinaryong anyo ng Misa noong 2007 o sa paspasang pagpapatupad ng bagong-salin na Misa sa Ingles sa mga bansang gaya ng Amerika at Ingglatera noong 2011. Higit itong mahalaga kaysa sa pangangampanya ng ilang obispong Pilipino laban sa RH Law o sa mga kandidatong bumoto para maipasa ang batas na ito. 

Hindi magiging kapanipaniwala ang Simbahan kung magbubulagbulagan tayo. Hindi kalugud-lugod sa mata ng Diyos ang pagkikibit-balikat.
Ipanalangin natin na mapuspos ng Banal na Espiritu ang College of Cardinals upang makapamili sila ng isang papa na mangunguna sa pagpapatupad ng karampatang pagbabago sa Simbahan, isang pinunong marunong makinig sa tinig ng bayan, isang pastol na sang-ayon sa kalooban ng Diyos.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP