Powered by Blogger.

Monday, July 18, 2005

Di Laruan o Kasangkapan



Itinuturing na isa sa mga matandang hanap-buhay sa mundo ang prostitusyon. Sa mga kalalakihang interesadong makatikim ng seks sa unang pagkakataon o sa mga nagnanais makalasap ng panandaliang aliw, handa silang magbayad sa mga kababaihang nasa ganitong kalakaran mapawi lang ang kanilang mga pagnanasa. Subalit may presyo ang ilang sandaling kaligayahan sa kama: presyong pantawid-buhay para sa prosti at sa kanyang pamilya.

Sa kabila ng mga kilala at hinahangaang personalidad gaya ng Mahal na Birheng Maria, Blessed Teresa of Calcutta, Gabriela Silang, at Corazon Aquino, mayroon pa ring bahagi ng lipunan na umaapak sa mga kababaihan. Kapag ang anak ay babae, sinasabi nating “pambayad-utang”. Kung magmumura, ang salitang “ina” ay lagging kasama. Hindi pa rin natin natatalo ang ating pagkiling sa mga kalalakihan.

Nagkaroon ng pag-aaral kamakailan ang Vatican Office for Migrants and Itinerants tungkol sa prostitusyon. Sang-ayon sa kanilang pag-uulat, dapat kasuhan at bigyan ng psychological help ang mga lalaking bumibili ng panandaliang aliw. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, malalansag ang prostitusyon. Gayon din, posibleng manguna ang Simbahan – sa pangunguna ng Banal na Papa Benedict XVI, na hanguin ang mga kaawa-awang kababaihang nagbebenta ng katawan, pagkalooban sila ng matitirhan at tulong-legal.

Sa kanyang komentaryo tungkol sa paglikha ng tao, sinabi ni Santo Tomas de Aquino na nilikha ng Diyos si Eba mula sa tadyang ni Adan upang ipakita na ang babae ay hindi dapat apakan o mang-apak, kundi maging kasama ng lalaki sa pagpapaunlad ng buhay. Panahon na para makilala natin ang katotohang ang mga babae ay hindi laruan o kasangkapang gagamitin kung kailan lang kailangan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP