Kapag napag-uusapan ang Eukaristiya, hindi maiiwasang pagtuunan ng pansin ang kaparian. May malaking kaugnayan ang Sakramento ng Banal na Misa at Sakramento ng Banal na Orden. Bago nag-alay ang Panginoong Jesus ng Kanyang buhay sa krus, itinatag Niya ang dalawang sakramentong ito bilang tanda ng Kanyang biyaya para sa sambayanang Kristiyano. Magpahanggang ngayon, patuloy na ipinagdiriwang ang Misa dahil sa mga pari at patuloy ring nagtatalaga ang Simbahan ng mga pari para pangunahan ang bayan sa pagsamba sa Diyos sa Misa at pagsunod sa Kanyang kalooban.
Nakakalungkot makabalita ng mga paring sangkot sa pambababae, panlalalaki, o pagmolestya sa mga bata; pangungurakot sa kabang-yaman ng parokya o paaralan; pagkalulong sa masamang bisyo gaya ng alak at sugal; atbp. Nagdudulot ng malalalim na sugat sa Simbahan ang mga gawing ito.
Noong ika-19 na siglo, naging tanyag ang isang paring nagngangalang John Mary Vianney. Ilang taon matapos siyang ordenahan, nanungkulan siyang kura-paroko ng Ars, France – isang nayon na tila “patay” ang pananampalataya. Isa sa mga naging unang hakbang niya ay dalawin ang mga mamamayan lalo na ang mga dukha at may sakit. Namuhay siyang payak at madalas na gumagawa ng mga sakripisyo para sa kanyang mga nasasakupan. Sinasabing nakipagtunggali siya sa demonyo sa tuwing matutulog siya sa gabi. Nakilala siyang mahusay na tagapangaral at tagapakinig ng mga kumpisal. Sa kanyang pananalita, napaamo niya pati mga matitinding makasalanan. Dinayo ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar ang Ars mula noon. Sa kabila ng kanyang pagiging sikat, nanatiling simple si John. Tinanghal na santo noong 1925, itinuturing siyang patron ng mga pari.
Sa pag-alala natin kay St John Mary Vianney sa kanyang kapistahan sa ika-4 ng Agosto, ipanalangin natin ang mga kaparian, lalo na ang mga nahaharap sa malaking pagsubok para ipahayag ang Ebanghelyo ni Kristo, na matagpuan nilang muli ang halimbawa ng kanilang dakilang pintakasi. Nabansagan si St John bilang “Cure of Ars”. Maging mga lunas nawa ng mga parokya, paaralan, ospital, at iba pang sangay ng pamayanan ang ating mga pari.
Thursday, August 04, 2005
Lunas ng Lipunan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment