Nakatakdang pamunuan ni Pope Benedict XVI ang halos isang milyong kabataan para ipagdiwang ang ika-20 World Youth Day (WYD) sa Cologne, Germany. Unang inilunsad ang selebrasyong ito ng yumaong Pope John Paul II sa Roma noong 1984. Maaalalang idinaos ang WYD sa Pilipinas noong 1995.
Mula ika-16 hanggang ika-21 ng buwang ito magtitipon ang mga delegado buhat sa iba’t ibang sulok ng daigdig para manalangin sa mga piling simbahan ng Cologne at makipagtalakayan sa mga Obispo tungkol sa kanilang pananampalataya. Sa taong ito napiling maging paksa ang “We have come to worship Him” - mga salitang binitiwan ng mga haring mago nang maglakbay sila sa Belen para sumamba sa Sanggol na si Jesus. Akmang-akma ang paksang ito dahil, sang-ayon sa tradisyon, matatagpuan sa Katedral ng Cologne ang mga labi ng mga mago.
Malaki ang naging papel ng Europa sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo noong unang panahon. Subalit sa impluwensya ng materyalismo at modernisasyon, nabago ang lahat. Halimbawa na dito ang pagbaba ng dami ng mga nagsisimba gayon din ng bokasyon sa pagpapari. Masasabing baligtad na ang mundo – ang dating tinuruan ng Katolisismo ang siyang naging tagapagturo nito. May mga parokya sa Europa na nananatiling buhay dahil sa mga Pilipino at iba pang taga-Asya.
Sa kanyang panayam sa ANSA, isang news agency sa Italia, nilinaw ni Pope Benedict XVI na ang kanyang pagdalaw sa Germany ay isang magandang pagkakataon para muling pasiglahin ang Simbahang Katoliko sa Europa at kumbinsihin ang mga Katoliko na ang kanilang pananampalataya ay hindi isang pasanin kundi isang handog.
Bilang bahagi ng Simbahan, nakikiisa kami sa hangarin ng Banal na Papa at ng mga kabataang nakikilahok sa WYD. Akayin nawa sila ng Espiritu Santo tungo sa tunay na pagsamba sa Dakilang Diyos.
Thursday, August 18, 2005
Pandaigdigang Araw ng Kabataan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment