Powered by Blogger.

Thursday, November 24, 2005

Ang dapat ihanda

Puno na naman ng palamuti ang bawat dako ng bansa. Kahit saang sulok ka lumingon may makikita kang mga ilaw na nagkikislapan, mga parol na iba't iba ang kulay, mga Christmas tree na naglalakihan, at mga Belen na yari sa sari-saring materyales. Siguradong magdadagsaan na ang mga mamimili sa mga tindahang mag-aalay ng "Christmas Sale" at iba pang pakulo. Heto nang muli ang pinakahihintay na pista ng mga Pinoy!


Napakagandang pagmasdan ang kakaibang pagsasaya ng ating lipunan at bansa tuwing ganitong okasyon. Pagpasok pa lang ng Setyembre, tiyak na may maririnig ka ng himig pamasko o kaya'y mga paghahanda sa mga gawaing gaya ng Christmas party, Simbang Gabi, Panunuluyan, atbp. Lahat ng ito'y nagpapatingkad sa selebrasyon. Subalit, bago tayo mapasubo sa init ng paggagayak, pamimili, o pagsasaya huwag sana nating kaligtaang magnilay at magmasid. Marahil handang-handa na ang ating katawan, tahanan, at bulsa sa Pasko, pero dapat din nating bigyang-halaga ang ating puso. Handa na ba yan para magbigay hindi lamang sa mga kamag-anak kundi sa mga kapus-palad? Handa na kaya yan para makisangkot sa ikasusulong ng komunidad? Handa na ba yan para talikuran ang kasalanan at magpanibagong-buhay?


Sa darating na Linggo magsisimula na ang Adbiyento, ang panahon ng paghahanda ng Simbahan sa Kapaskuhan. Sa kabila ng mga ingay at palamuting nasa ating paligid, samantalahin natin ang pagkakataong handog ng Adbiyento para lubusan nating maihanda ang ating puso sa tunay na bida ng Pasko - ang Panginoong Jesus.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP