Isa sa mga masayang buwan sa ating kalendaryo ay ang buwan ng Mayo. Dahil sa panahon ito ng bakasyon sa nakararami, ang Mayo ay nagiging isang buong buwang kinapapalooban ng kabi-kabilang pista, Flores de Mayo, Santacruzan, Sunduan, atbp.
Bilang pakikiisa sa kasiyahang dulot ng Mayo, kakikitaan ng iba’t ibang pagtatanghal ang buwang ito na naglalayong buhayin at sariwain ang kulturang Kristiyanong Pinoy.
Unang-una sa listahan ay si Maria, ang “Matamis na Birheng pinaghahandugan” ng mga bulaklak sa bawat kapilya, simbahan, o katedral sa bansa ngayong Mayo. Sa ating pagsasaya, hindi dapat mawaglit sa ating alaala ang ating Mahal na Ina na bahagi na ng ating buhay bilang isang sambayanan.
Ikalawang paksa ay ang mga ina. Nakaugalian na nating parangalan sila tuwing ikalawang Linggo ng buwan. Mainam na ating pagnilayan ang laki ng kanilang naiambag sa ating pagkatao at tunghayan kung paano pa sila makagaganap sa kanilang mga tungkulin.
Pangatlong usapin ay sa Gagalangin, ang bayang sinilangan ng Anluwage. Mag-aalay kami ng samu’t saring kasiyahan tanda ng aming pakikibahagi sa kanyang kapistahan sa ikatlong Linggo ng buwan.
Pang-apat at panghuling isyu ay tungkol sa Media o Pakikipagtalastasan. Ito’y isa sa mga kinikilalang haligi ng lipunan sa ngayon. Matutunghayan natin kung gaano kalaki ang impluwensya at responsibilidad ng media sa ating makabagong panahon.
Saturday, May 06, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment