Powered by Blogger.

Friday, September 01, 2006

Mamili Ka

Sa taunang pagtitipon ng mga religious orders sa isang kilalang diyosesis ipinahayag ni Fr Gerry Hughes, SJ na may kinakaharap na krisis ang Simbahang Katoliko. Isang suliraning mas matindi pa sa Protestantismo noong ika-16 na siglo. Sang-ayon kay Fr Hughes, isang kilalang manunulat, kung patuloy na bababa ang pagdami ng mga nagsisimba mawawalan ng laman ang mga simbahan sa taong 2050.

Pinapili ng pari ang kanyang mga tagapakinig kung ano ang magiging reaksyon nila sa sitwasyong ito: huwag makialam at hayaan na lang ang problema o suriin ang kanilang buhay bilang mga Kristiyano at relihiyoso.

Tayo rin, bilang bahagi ng Simbahan, ay maaaring mamili kung ano ang dapat nating gawin. Maaari tayong magkibit-balikat. Maaari rin naman nating usisain ang ating sarili kung ano na ang ating naimbag at puwede pang maiambag sa Simbahang kinabibilangan natin.

Madalas nating tawaging ‘taga-Simbahan’ ang mga manang at manong na halos araw-araw ay nakikita nating nagsisimba at nakikilahok sa iba pang gawain sa parokya.

Kung tutuusin tayong lahat ay dapat tawaging ‘taga-Simbahan’ sa bisa ng ating Binyag. Wala itong ipinagkaiba sa pagtawag sa atin bilang ‘Pilipino’ (sa bisa ng ating pagsilang sa bansang ito). Ang problema, nag-aasal banyaga tayo sa sariling atin – Simbahan man o bansa.

Nang piliin ng Diyos si Maria para maging ina ng Kanyang Bugtong na Anak, hindi siya nag-atubili para maging kaakibat sa planong kaligtasan ng Panginoon. Harinawa, tularan natin si Maria, ang Ina ng Simbahan at ng Pilipinas, para maging bahagi ng solusyon at hindi ng problema.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP