Kagaya nga ng aming naisulat noong isang linggo, nagiging marubdob ang paghahanda ng mga Katolikong Pilipino sa Pasko sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa ika-16 ng Disyembre.
Isang tradisyong "matanda pa sa ating lolo", sinasabing ang Simbang Gabi o Misa de Aguinaldo o Misa de Gallo ay nag-ugat sa kahilingan ng mga magsasakang makapagsimba para sa masaganang ani. Ngunit dahil kailangang maaga pa lang ay nasa sakahan na sila, minabuti ng mga Kastilang pari na idaos ang Misa sa madaling-araw. Magmula noon ang pribilehiyong ipinagkaloob ng mga Kastilang misyonero sa mga magsasaka ay patuloy na ibinibigay sa ating ng Banal na Simbahan. Isang biyaya na kung ating pahahalagahan ay magbibigay sa atin ng mas malalim na pagkakaunawa sa diwa ng Kapaskuhan.
Sa mata ng pananampalataya, tayong mga nakikiisa taun-taon sa Simbang Gabi ay maituturing na mga bagong magsasakang dumudulog sa Diyos sa tulong ng Birheng Maria para sa magandang ani. Puspos ng Kanyang pagpapala, ihasik natin ang mga binhi ng Banal na Espiritu sa malawak na bukirin ng Panginoon: ang ating tahanan, lipunan, at bansa. Umasa tayo sa isang masaganang ani dahil "Ang Diyos ay sumasaatin".
Thursday, December 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment