Powered by Blogger.

Friday, March 28, 2008

Parehong Mawawalan ng Kakainin

Sa kabila ng pagkakaiba ng mayaman sa mahirap, ng mga marunong sa mga mangmang, at ng mga maka-administrasyon sa mga oposisyon, lahat tayo'y pare-parehong kumakain ng kanin. Hindi kumpleto ang pagkain ng Pinoy - nasa labas man siya ng bansa o hindi - kung walang kanin.

Subalit nahaharap ang bawat isa sa atin sa kakulangan sa produksyon ng bigas, ang niluluto para maging kanin. Matagal nang lumipas ang panahon na sa Pilipinas pa umaangkat ng bigas ang mga karatig-bansa nito. Isang nakakalungkot na pangyayari sa ating bansa gayong agrikultura ang isa sa mga pangunahin nating industriya noon.

Isa sa mga dahilan sa pagbaba ng produksyon ng bigas ay ang pagpapatayo ng mga golf courses sa mga sakahan. Mapapakain ba sa dumaraming Pinoy ang bawat bolang nilalaro dito sa ngayon?

Mahalagang pagtuunan ito ng pansin ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga hakbang na magsasawata sa napipintong krisis. Bukod dito, kailangan nilang matyagan ang pananamantala ng iba gaya ng di makatarungang pagpataw ng mataas na presyo ng bigas at ang pagtatago ng bultu-bultong sako ng bigas.

Tayo ring mga ordinaryong mamamayan ay may magagawa. Bumili lang tayo at magluto ng sapat na dami ng bigas. Winika minsan ng isang pari na ang hindi natin nagagamit na mga bagay ay nakaw. Kung may sobra, atin itong ibahagi sa iba o kaya'y isangag para sa agahan kinabukasan. Sikapin nating mapagbigay-alam sa ating mga kasambahay, lalo na ang mga bata, ang krisis at ang kahalagahan ng wastong pagkunsumo ng bigas. Hindi ba't madalas nating naririnig sa mga matatanda na huwag sayangin ang pagkain dahil marami ang hindi nakakakain?

Higit sa lahat tayo'y tumawag sa Dakilang Lumikha na patuloy Niyang pagpalain ang ating mga lupain at patnubayan ang ating mga magsasaka para sa masaganang ani. Napapanahong manawagan muli ang ating mga obispo para sa isang 'Operatio Imperata'.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP