Pinagmumunimunihan na ng ilang obispo ang di pagbibigay ng Banal na Komunyon sa mga Pilipinong mananampalataya. Noong mga unang buwan ng 2008, ipinahayag ni Archbishop Oscar Cruz ang posibilidad na pagbawalang tumanggap ng Komunyon si Pangulong Gloria Arroyo dahil na rin sa mga pagkakasala nito bilang lider ng bansa. Sang-ayon sa Arsobispo, mabibigat ang mga kasalanang ito ni Gloria.
Sa kasagsagan ng pagsulong ng Reproduction Bill sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, iginiit ni Archbishop Jesus Dosado ng Ozamiz City ang pagbabawal sa mga kongresista na mangomunyon kung sila ay panig sa aborsyon.
At sa Kuwait, pinag-iisipang maigi ni Bishop Camilo Ballin, Vicar Apostolic sa bansang iyon, na ipagbawal ito sa mga Pilipinong may pangalawang pamilya roon.
Hindi natin masisisi ang mga obsipo, bilang mga pastol ng kani-kanilang lokalidad, kung bakit nais nilang ipatupad ang ganitong hakbang. Masakit man kung ito'y iisipin subalit kailangan nating alalahanin na sa pagtanggap sa banal na ostya, wala tayong ibang tinatanggap kundi ang Katawan ni Jesus. Kung tatanggapin natin si Kristo, ito'y tanda na tinatanggap natin ang lahat-lahat sa Kanya - walang labis, walang kulang. Hindi puwedeng tanggapin lang natin ang mga aral na angkop sa atin at ibasura ang mga taliwas sa ating sistema.
Bukod dito, mahalaga ring tandaan na ang anumang pagkakasala natin ay may sosyal na dimensyon; anumang epekto ng ating mga pagkakamali ay damay ang sinumang nasa ating paligid lalo na ang Simbahang ating kinaaaniban.
Ang pagbabawal sa ilang indibidwal na mangomunyon ay hindi isang pananakot kundi isang panawagan para pagsisihan ang nagawang mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Ito rin ay paanyaya sa lahat na bago natin gawin ang isang pagkakamali ay pag-isipan muna natin ito nang maigi at isaalang-alang kung ano ang magiging kahihinatnan nito sa atin at sa kapwa.
Friday, August 01, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment