Si Zacarias ay isang relihiyosong tao, may kaya sa buhay, subalit hindi siya nabiyayaan ng anak. Sa kanyang katandaan, nagpakita ang anghel ng Panginoon taglay ang balitang magdadalantao na ang kanyang kabiyak na si Elisabet. Nagduda si Zacarias. Paano nga naman mangyayari ito kung kapwa may edad na silang mag-asawa? Pagdududang hindi niya itinago sa anghel na nagdulot ng pagkapipi niya hanggang sa maganap ang lahat ng sinabi ng anghel.
Si Jose ay nakatakdang ipakasal sa kanyang kasintahan ngunit natagpuan niyang buntis ito nang hindi niya kagagawan.Gusto na niyang sirain ang kasunduan nang magpakita ang anghel upang bigyang-linaw ang misteryosong pabubuntis ni Maria. Matapos ang pahayag ng anghel, walang pasubaling sumunod si Jose: kanyang pinakasalan si Maria at naging ama sa sanggol na siyang magliligtas sa sangkatauhan.
Ito'y dalawang magkaibang istorya ng dalawang amang matutunghayan natin sa napapalapit na Simbang Gabi sa ating bansa. Madalas na itinuturing na pinakatahimik na miyembro ng pamilya ang ama. Sabi ng ilan, ito'y marahil sa dami ng kanilang iniisip. Sabi pa ng iba, mas kilala ang mga lalaki sa aksyon at hindi sa salita.
Sa kaso nina Zacarias at Jose, sila'y kapwa tahimik na nagpasan ng kani-kanilang krus. Walang reklamong namuhay si Zacarias sa kabila ng kawalan ng anak. At nang magbalita sa kanya ang anghel, literal pa siyang naging tahimik tanda na balang-araw magpupuri siya sa Diyos sa pagsilang ni Juan Bautista. Samantalang si Jose nama'y walang angal na humarap sa kanyang suliranin at ito'y naging maganda niyang halimbawa habang tinutupad niya ang kanyang responsibilidad bilang asawa't ama.
Sa hirap ng buhay ngayon, hindi na tayo magtataka kung magwawala na lang ang mga ama at susuko na lang sa kabi-kabilang problema. Ngunit pinapaalalahan tayo na patuloy pa ring hanapin ang Diyos. Mahahanap lamang natin Siya sa katahimikan ng ating mga puso at isip, isang katahimikang nadiskubre't isinabuhay nina Zacarias at Jose. Ngunit ang pinagkaiba nitong dalawang ama ay nagtiwala si Jose - isang katangiang dapat ding isabuhay ng sinumang ama.
Kung ang ina ay ilaw ng tahanan, ang ama naman ang siyang haligi nito. Alisin mo ang ilaw at walang makikita o masusulyapang kahit ano ang pamilya. Gibain mo ang haligi at tiyak na lalagpak ang mag-anak.
Nawa sa patuloy nating paghahanda sa kaarawan ng ating Manunubos,sa ating paghahanda sa Kanyang Pangalawang Pagdating sa wakas ng panahon, at sa ating paghahanda sa Kanyang pang araw-araw na pagpunta sa ating mga puso sikapin ng bawat ama na manatiling nakasalig kay Kristo, ang panulukang bato, upang kaisa Niya buong puso nilang mapangalagaan ang kanilang mga mag-anak.
Hindi magpapabaya ang Diyos sa mga haligi ng tahanan. Dahil Siya ay isa ring Ama!
Thursday, December 11, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment