Powered by Blogger.

Monday, December 01, 2008

Naghahandang Simbahay

Dumako na naman tayo sa panahon ng Adbiyento, ang paghahanda sa pagsilang ng Panginoon. Ang Adbiyento rin ay naghuhudyat ng bagong taon sa kalendaryo ng Simbahan kung saan bilang isang sambayanan nagsisimula na naman tayong maglakbay sa pagkilala, pag-ibig, at paglilingkod sa Diyos. Ito'y kakaiba sapagkat kung susuriin nating maigi ang kalendaryo ng ating Simbahan ito ay nakaugnay sa buhay ng Panginoon. Sa Adbiyento, halimbawa, naghihintay tayo nang buong pananabik gaya ng mga unang Israelita sa pagdating ni Jesus. Sa Pasko, nakiisa tayo sa pagsalubong sa Pangakong Mesiyas. Sa Kuwaresma at Mahal na Araw, inaalala natin ang paghihirap at pagtatagumpay ni Kristo para sa ating kaligtasan.

Nakakalungkot isiping madalas na napagwawalang-bahala ang Adbiyento lalo na't puno na ng palamuti, himig, at ingay ng Paskong paparating ang ating mga tahanan, tindahan, at pati ang ating mga simbahan. Naniniwala kaming marami tayong madidiskubreng kayamanan sa Adbiyento kung nanaisin lang nating matagpuan ito. Siyempre, ang unang-una nang may kakayahang manguna sa pagtuklas dito ay ang ating mga pinunong pansimbahan. Subalit, posible ring makapag-ambag dito ang bawat pamilya na itinuturing na isang domestic Church, isang Simbahan sa Bahay o Simbahay.

Bilang isang Simbahay, maaaring paigtingin pa ng pamilya sa kanilang pagdarasal at pag-uusap sa tahanan ang anumang aral na kanilang napakinggan sa Misa. Puwede silang gumawa ng sarili nilang Advent wreath na may 4 na kandilang unti-unting sisindihan sa 4 na linggo ng Adbiyento. Gayon din ang paglagay ng isang belen na unti-unti ring magkakaroon ng hugis habang papalapit ang Kapaskuhan. Posible ring maglaan sila ng oras na maglikom ng mga lumang damit o anumang regalo para sa mga kapus-palad.

Isang disiplinang maiiwan ng Adbiyento para sa atin at lalo na sa ating mga anak ay ang matutong maghintay. Marami nang beses na ang mundo'y nagpadalus-dalos at ito'y nagbunga ng di kanais-nais na mga prutas. Magandang panahon ito, samakatuwid, para ituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagbuo ng mga tamang desisyon sa tamang panahon balang-araw. Na hindi lahat sa daigdig ay nakukuha sa bilis kundi sa pagtitiyaga at lalo't higit sa oras ng Diyos.

Hilingin natin sa Ama na samahan ang bawat pamilyang Kristiyano sa kanilang preparasyon sa pagdating ng Kanyang Pangakong Anak. Na sa Kanyang pagdatal, matagpuan Niya silang lahat na pinagbubuklod ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig gaya ng Kanyang inaasahan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP