Powered by Blogger.

Thursday, January 22, 2009

Mabunga

Naging makulay at masaya ang mga nagdaang linggo sa ating bansa. Makalipas ang Simbang Gabi na siyang naghuhudyat ng simula ng Kapaskuhan, sumunod naman ang dinadagsang pista ng Nazareno. Pagkalipas ng pista sa Quiapo napagtuunan naman ng pansin ang Banal na Sanggol na siyang pintakasi sa Tondo, Pandacan, Cebu, at iba pang bahagi ng bansa.

Naging babad tayo sa mga debosyong ito na bahagi na ng ating pagiging Pilipino. Ang tanong: tumalab na ba sa atin ang mga epekto ng debosyong ito?

Si San Pablo Apostol, ang santong inaalala natin ang anibersaryo ng kapanganakan sa taong 2008-2009, ay namuhay noon bilang dakilang taga-usig ng mga Kristiyano. Subalit nang papunta siya sa Damasco, nahulog siya sa kanyang kabayo't nabulag. Sa ganitong pangyayari may tinig siyang narinig: "Saulo (ang orihinal niyang pangalan), bakit mo ako inuusig?" "Sino ka?" tanong ni Saulo. "Ako si Jesus na inuusig mo!" tugon ng tinig. Dito nagsimula ang pagbabalik-loob ni Saulo. Kinupkop siya ni Ananias, isang Kristiyano, sa kabila ng pagtataas-kilay ng ibang mga Kristiyano. Nang manumbalik ang paningin ni Saulo, pinalitan niya ng Pablo ang kanyang pangalan at naging kilalang tagapagturo ng Ebanghelyo ni Jesus sa mundo.

Tumalab ang liwanag at katotohanan ni Kristo kay San Pablo at ito'y kitang-kita sa pagiging mabunga ng apostol: ang makapagsulat ng ilang bahagi na ngayon ng Banal na Bibliya, ang makapangaral sa maraming sulok ng daigdig, ang maghain ng sariling buhay bilang tanda ng kanyang katapatan sa Diyos.

Kung tumalab na sa atin ang mga pistang nagdaan, ang pagsisimbang gabi, ang paghalik sa imahen ng Poong Nazareno o sa Banal na Sanggol o sa anumang santo, dapat din tayong maging mabunga gaya ni San Pablo. Hindi man natin mapantayan ang mga nagawa ni San Pablo, posibleng-posible pa rin tayong maging mabunga sa mga simpleng bagay na ating ginagawa araw-araw.

Sa hirap ng panahon ngayon, mahalagang ang bawat isa sa atin ay maging mabunga. Hindi mabongga.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP