Magdadalawampu't tatlong taon na mula nang mapayapang nag-aklas ang sambayanan laban sa rehimeng Marcos. Ang People Power sa EDSA noong 1986 ay isang pagkilos ng mga mamamayang nadala na sa di makatarungang pamamahala ng diktador sa bayang noong una'y pinangakuan niyang pangangalagaan. "Sobra na! Tama na!" iyan ang panawagan noon ni Gng Corazon Aquino na siyang inilukolok na pangulo matapos palayasin si Marcos.
Mataas ang pag-asa ng mga tao noon kay Aquino na kinikilala nilang kakaibang-kakaiba kay Marcos. Subalit hindi lahat ng pinatupad ni Cory ay naging mabuti sa bayan. Halimbawa na rito ang patuloy na pagbabayad ng mga utang ni Marcos sa Wold Bank gayung si Marcos at ang mga galamay niya lamang ang nakinabang dito. Magpahanggang ngayon, malaking porsyento ng taunang budget ng pamahalaan ay agad-agad nang nakalaan sa pagbabayad-utang.
Maaalalang nitong mga huling buwan lamang ay humingi ng paumanhin si Aquino kay Joseph Estrada sa papel na ginampanan niya para maalis sa puwesto si Estrada. Sa pagkilos na ito ng biyuda ni Ninoy, muli na namang pinahiya ni Aquino ang bayang tumitingala na sana sa kanya.
Maglalabinlimang taon pa lang ang People Power nang muling magtipun-tipon ang madla sa EDSA - para ikondena at patalsikin sa puwesto ang isa na namang tiwaling pangulo. Muling nagpahayag ng pagiging dala ang tao sa ganitong mga klase ng pinuno.
Naging mataas na naman ang pag-asa ng mga tao nang maupo si Gloria Macapagal-Arroyo kapalit ni Estrada. Subalit, din nagtagal at nagpakita rin ng kanyang tunay na kulay si Gloria. May ilang kampong nag-ingay laban sa kanya. May ilang nanawagan para magbitiw na siya sa puwesto. May ilang dumulog sa mga kinauukulan para mapaalis siya sa palasyo. Ngunit walang epekto ang lahat ng ito sa isang talamak nang pangulo.
Magkakaroon pa kaya ng EDSA Tres? Duda kami. At ang pagdududa nami'y nakaugat sa obserbasyong nadala na ang taumbayan. Nagsawa na si Mang Juan Pasang-krus sa mga pagkilos na gaya nito. Mas mabuti pang iukol na lamang niya ang kanyang panahon para magbanat ng buto upang masigurong may makakain silang mag-anak tatlong beses isang araw.
Magkagayunpaman, naniniwala kaming ang mga aral ng EDSA Uno at Dos ay dapat pa ring panatilihing buhay. Tingnan natin ang naging demonstrasyon kamakailan ng mga taga-Samar laban sa kanilang mga tiwaling pinuno. Isa pang hakbang para maging buhay lagi ang diwa ng EDSA ay ang masusi, mapanuri, at maingat na paghahanda sa eleksyon dalawang taon mula ngayon.
Friday, February 13, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment