Powered by Blogger.

Thursday, July 23, 2009

Pagbabayad-Puri

Sa pagkamatay ni Jesus sa krus muling nagkasundo ang Diyos at ang sangkatauhan. Sa pagbubuhos ng Kanyang dugo, tayo’y napawalang-sala. Ang paglaya natin sa kasalanan ay tatanawin na nating isang malaking utang na loob sa Panginoon. Isang masarap na karanasang malalasap natin sa bawat araw ng ating buhay; isang pagkakataong mapapasaatin sa tuwing nangungumpisal tayo.

Pero huwag tayong mag-aakala na tapos na ang lahat oras na mapatawad na ang ating mga sala. Sapagkat may masamang naidulot ang ating mga pagkakamali sa iba, nararapat lamang na ‘pagbayaran’ natin ito. Tingnan natin ang mga napatunayang nagkasala. Hindi ba’t pinagbabayaran nila ang anumang krimeng kinasangkutan nila? Maaaring gawin nila ito sa piitan o kaya’y sa pagbabayad ng multa.

Kung tayo’y mangungumpisal, huwag lang sana nating hangarin na mawala ang ating mga ‘guilt feelings’ kundi pagtuunan ng pansin ang payo ng pari kung paano natin maaayos ang gusot na sanhi ng ating mga sala. Kung nais nating malagay sa tahimik, mahalagang gumawa tayo ng mga hakbang para makabawi sa ating mga kapabayaan at pagmamalabis. Ito’y maaaring isang taus-pusong pagdarasal ng anumang debosyon, pakikiisa sa mga gawaing pansimbahan, pagtanggap sa mga sakramento, o pagtulong sa mga kapus-palad.

Nakakalungkot na sa bayan natin, di napagbigyan ang hustisya para magbayad ang mga napatunayang nagkasala. Maaalalang matapos hatulan ng parusa si dating pangulong Joseph Estrada, agad itong pinagkalooban ng kapatawaran ni Gloria Arroyo. Isang hakbang na nangangamoy-pulitika at tiyak na di makakatulong sa pagbuo sa ating watak-watak at sugatang bansa. Ngayon lalo pang lumakas ang loob ni Estrada na tumakbo sa puwestong pinagtalsikan sa kanya.

Ipagdasal din natin na sa Taon ng mga Pari, maging masigasig ang mga pari sa paggawad ng mga sakramento gaya ng Kumpisal. Taglay ang pusong naka-ugnay tuwina sa Puso ni Jesus, magabayan nawa nila sa salita at sa gawa ang mga mananampalatayang nagbabalik-loob sa Diyos sa paghilom ng mga sugat na idinulot ng kanilang mga kasalanan.

Hangad ni Jesus na maibalik sa dating ayos ang mundo, subalit kailangan Niya ang ating mga kamay para maisagawa ito. Handa ba tayong makiisa sa adhikaing ito?

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP