Powered by Blogger.

Thursday, August 20, 2009

Hindi Ka Nag-iisa

Dalawampu’t anim na taon nang paslangin si Ninoy Aquino, naging bahagi ng kanyang lamay, libing, at mga sumunod na pagtitipon ang mga katagang “Hindi ka nag-iisa.” Sa pagkamatay ni Ninoy, nagbuklud-buklod ang sambayanang nakilala kay Ninoy (at sa kanyang mga naulila) ang sarili nilang karanasan sa mapang-aping diktadurya.

Dalawampung araw nang nakakalipas nang muling ipadama ng bayan ang kanyang pakikidalamhati nang sumakabilang-buhay ang balo ni Ninoy, ang babaeng nagpatuloy ng kanyang laban.

“Hindi ka nag-iisa.”

Ito ang gamot na kung lagi nating iinumin ay pupuksa sa mga sakit gaya ng crab mentality at pagkakanya-kanya na dinaranas natin bilang mga indibidwal at bilang isang sambayanan. Sa mga pag-uugaling ito matagal bago napatalsik ang mga dayuhang mananakop gayon din ang mga tiwaling Pilipinong namuno sa ating bansa.

“Hindi ka nag-iisa.”

Ito na marahil ang napakagandang ipaabot sa ating mga kababayan imbis na pagsamantalahan sila lalo na sa panahon ng kahirapan at pagdurusa. Kasuklam-suklam nang masaksihan ang panloloko’t panggagamit ng tao sa kapwa-tao, gaano pa kaya ang pagtratong ganito ng Pilipino sa kapwa-Pilipino?

“Hindi ka nag-iisa.”

Sa pag-alala natin sa pagpanaw ni Ninoy, patunayan nating tunay ngang di siya nag-iisa sa kanyang paglaban para sa ikabubuti ng kanyang mga kababayan. Patunayan nating kaya pala nating magkaisa, magdamayan, at manatiling kumikilos para sa ikabubuti ng Inang Bayan.

“Hindi ka nag-iisa.”

Ito ang dapat isapuso ng sinumang nais sumunod kay Kristo; Siya mismo ay di nag-atubiling magkatawang-tao, dumanas ng lahat ng hirap ng sangkatauhan, at humarap sa kamatayan upang maipadama sa ating lahat na totoong ang Diyos ay nasa panig natin kahit madalas nating inaakalang di ito totoo.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP