Powered by Blogger.

Thursday, April 01, 2010

Kalayaang Dulot ng Pagkabuhay

Bahagi na ng sistemang pangkatarungan sa buong daigdig ang ikulong ang sinumang napatunayang nagkasala. Para sa iba, ito ang kaparusahan sa salang nagawa - ang haba ng pananatili sa piitan ay depende sa bigat ng pagkakasala. Para naman sa ilan, ang pagkakakulong ay isa lamang sa mga parusang ipinapataw sa nagkasala; ang kamatayan ang huling parusa.

Masakit ang makulong. Bukod sa masadlak ang iyong pangalan - gayon din ng iyong pamilya - sa kahihiyan ay ang lumbay na dulot ng pagkakahiwalay sa mga mahal mo sa buhay. Bukod sa mga pasakit na ito ay ang mga di makataong pagtrato sa iyo sa loob ng kulungan. Ang mga kuwento ni Fr Shay Cullen, Tagapagtatag at Direktor ng PREDA, tungkol sa mga kabataang isinalba niya mula sa mga kulungang di angkop sa mga menor de edad ay magpapatunay na tila isang impiyerno ang malagay ka sa piitan.

Maaaring sabihin nating "Buti nga!" sa mga napatunayang gumawa ng mga karumaldumal na krimen, pero huwag sana tayong maging mapanghusga sa kanila yayamang ang Panginoon ay nagpakita ng kagandahang-loob sa Kanyang pakikitungo sa mga makasalanan gaya ng mga publikano at ang babaeng nahuling nangangalunya.

Bukod dito, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang di magandang kalagayan ng preso at ang mga nakakulong dito - hindi lahat sa kanila'y nagkamit ng wasto at sapat na paglilitis. Ang ilan sa kanila'y biktima pa nga ng sistemang kumakampi pa sa may kapangyarihan at kayamanan. Si Kristo mismo ay naging biktima ng ganitong uri ng kawalan ng katarungan. Siya rin ay nakulong, dumaan sa iba't ibang uri ng kaparusahan, pinagpasa-pasahan ng mga lider ng bayan, at hinatulang mamatay sa krus.

Sa ating pag-alala sa Misteryo Paskwal ni Jesus ngayong Mahal na Araw at sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, huwag nawa nating kaligtaang ipagdasal ang lahat ng mga nakakulong. Ang buhay at halimbawa nawa ng Panginoon ay magsilbing aral sa kanila tungo sa pagbabalik-loob sa Kanya, tungo sa patuloy na pakikibaka upang makamit nila ang hustisyang ipinagkait sa kanila, at tungo sa kalayaang dulot ng Kanyang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP