Powered by Blogger.
Showing posts with label Columban Missionaries. Show all posts
Showing posts with label Columban Missionaries. Show all posts

Friday, November 20, 2009

Pagpansin Sa Mga Lumad

Sang-ayon kay Fr Michael Sinnott, ang misyonerong dinukot kamakailan sa Pagadian City, Mindanao mga lumad at hindi mga MILF ang dumukot sa kanya. Ang mga lumad ang sinasabing mga orihinal na nakatira sa Mindanao na sa kasamaang-palad ay nawalan ng mga lupain sa pagdagsa ng ibang grupo ng mga tao doon. Nandurukot ang mga lumad para mangalap ng ransom money na gagamitin nilang pambili ng mga armas.

Masasabing ang pangingidnap nila ng isang dayuhan at isang misyonero ay isang pagpapatawag-pansin sa buong mundo ng kanilang abang kalagayan. Matagal nang isyu ang pagkawala ng mga lupaing dating pag-aari ng mga lumad.

Bagamat nauunawaan naming ang kalagayan ng mga kababayan nating lumad, hindi kami sumasang-ayon sa kanilang pamamaraan para maipaabot sa mga kinauukulan ang kanilang mga hinaing. Ang manghingi ng perang pantubos ay kapareho na rin ng pangingikil. Ito’y kawalan ng katarungan lalo na’t kung idadamay pa ang mga inosenteng taong gaya ni Fr Sinnott. Mabuti na lamang at nanindigan ang pamunuan ng Columban Missionaries, ang grupong kinabibilangan ni Fr Sinnott, na huwag magbigay ng pera.

Nanawagan kami sa mga kapatid nating lumad na itigil na ang ganitong uri ng taktika. Kung nais ninyo ng paggalang, igalang din ninyo ang ibang tao. Kung nais ninyong mapansin ng international community, idaan ninyo ito sa wasto at angkop na lugar.

Nananawagan din kami sa ating pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang hinaing ng mga lumad. Ito’y dapat ding nasa agenda ng sinumang mauupo sa MalacaƱan sa susunod na taon.

Samantala, itutuloy pa rin ng nakalayang pari ang kanyang ang misyon. Marahil para sa iba, magdadala na ng matinding trauma ang karanasang ito, subalit para kay Fr Mick, ito’y isa lamang pagsubok sa kanya bilang isang misyonero, isang bahagi ng kanyang paglilingkod sa mga may kapansanang kabataan ng Mindanao.

Nawa ang karanasang ito ay mag-udyok din sa ating huwag panghinaan ng loob na ituloy ang paggawa ng mabuti sa kapwa, ang magsilbing daan upang mas maging maganda pa ang ating bansa’t daigdig sa paningin ng Dakilang Lumikha.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP