Tila mabigat ang hinihiling sa atin ng Diyos na gumanti ng tama sa maling nagawa sa atin. Mukhang marami pa tayong bigas na kakainin bago natin mapatawad at makipagkasundo sa sinuman nakasakit sa atin.
Subalit mabibigla ka sa mga ordinaryong tao gaya nina Rita de Casia at Maria Goretti na nagpatawad sa mga may atraso sa kanila. Pinaslang ang asawa ni Rita bunsod ng hidwaan sa dalawang pamilya. At kahit uso noon ang paghihiganti, hindi ito ang tinahak niyang daan. Pinatawad niya ang mga salarin at naging susi pa siya sa pagkakasundo ng dalawang angkan. Nakapamuhay si Rita nang mapayapa magbuhat noon.
Ang dalagitang si Maria ay pinagsasasaksak ng isang nakatatandang binata dahil ayaw niyang mapagsamantalahan. Pinatawad ni Maria ang may sala at yumao siyang mapayapa.
Hindi rin lingid sa atin ang pagbaril kay Pope John Paul II noong dekada 80 na halos ikamatay niya. Matapos gumaling, dinalaw pa niya ang teroristang bumaril sa kanya. Makikita sa aura ng Banal na Papa ang kapayapaan, isang katangiang dinala niya sa kabila ng kanyang karamdaman hanggang sa malagutan siya ng hininga.
Sa mga saglit na parang kay hirap magpatawad, kay bigat na iabot ang ating kamay sa ating mga kaaway, alalahanin natin ang istorya nina Rita, Maria, at John Paul. Di natin magawa? Huwag nating sarilinin ang problema! Dumulog tayo kay Jesus na pawang kabutihan ang ipinadama’t ipinagkaloob sa sinuman.
Puso ni Jesus, aming kapayapaan at pakikipagkasundo, maawa Ka sa amin!