Powered by Blogger.

Thursday, July 28, 2005

July 28 : Scout Memorial Day

Editorial by anluwage.com


Itinakda ni dating Pangulong Corazon C. Aquino ang ika-28 ng Hulyo bawat taon bilang Scout Memorial Day upang parangalan ang 24 na kabataang scout na namatay sanhi ng pagbagsak ng kanilang sinasakyang United Arab Airlines Jet Comet sa Bombay, India, na patungo sanang Marathon, Greece upang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga kinatawan ng ating bansa sa 11th World Jamboree noong 1963. Dalawa sa mga ito ay Gagalanginenos : Scout Ramon V. Albano at Scout Wilfredo Santiago.

Sa kasalukuyang henerasyon, ginagawa na lamang ng ilan na biro ang scouting, lalo na ang mga hindi nakakaunawa sa tunay na layunin nito. Ang ilan pa nga ay ginagamit ang salitang boy scout upang ilarawan ang mahihinang pulis. Subalit minsan isang panahon ay nagningning ang imahen ng mga boy scouts.

Sa kanilang kilalang motto na "Laging Handa," laging handang tumulong sa nangangailangan, laging handang umalalay sa matandang nais tumawid ng lansangan, laging handang tumulong sa pagsasaayos ng trapiko, laging handang ilaan ang sarili kahit batid na may nakaambang panganib.

Ang katotohanang hindi matatawaran, ang mga boy scouts ay makabagong sagisag ng kabayanihan. Katotohanang hirap tanggapin ng ilang hindi naging boy scouts. Subalit hindi maikakaila ang kontribusyon ng mga boy scouts sa pagbuo ng ating bansa.

Simple ang misyon nito na itatak sa isipan ng ating mga kabataan ang pag-ibig sa Diyos, sa bayan, at sa kapwa at linangin ang mga ito upang maging mga responsableng lider ng darating na panahon subalit walang kapantay ang dakilang lider na naging produkto ng scouting.

Samakatwid, bawat Pilipino pala ay dapat maging boy scout, na laging handa. Bilang isang bansa, sa tuwing darating ang bagyo, maging ito ay tunay na bagyo o bagyong-panlipunan, kadalasan ay inaabutan tayong hindi handa. Hindi boy scout.

Maging huwaran nawa natin ang ating dating kapitbahay, si Scout Ramon V. Albano, na bukod sa paghahanda niya ng kanyang mga kakailanganin sana sa jamboree, pinagtuunan din niya ng higit na pansin ang paghahandang pangkaluluwa.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP